Advertisers
ARESTADO ang isang babaeng tulak ng illegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng halos isang milyong pisong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City, Sabado ng hapon.
Sa ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas “Shiela”, 46, ng Brgy. Gen T De Leon.
Dati nang nadakip ng SDEU ang suspek sa buy bust operation noong November 2023 subali’t, nang makalabas muli umano itong nagpatuloy sa kanyang iligal na gawain.
Alas-4:20 ng hapon nang arestuhin ng mga tauhan ni Capt. Dorado ang suspek sa Pardrigal Extension, Brgy. Karuhatan matapos umanong bentahan ng P14,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 140 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P952,000.00, buy bust money, cellphone at sling bag.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.(Beth Samson)