Advertisers
NASAWI ang tatlo katao at isa ang sugatan nang walang habas na mamaril ang isang lalaking nasa impluwensya ng iligal na droga sa Barangay Maribago, Lapu-Lapu City, Biyernes ng gabi, Enero 17.
Kinilala ang salarin na si Eduardo Taghoy Jr., 41 anyos.
Sinabi ni Lt. Colonel Christian Torres, spokesperson ng Lapu-Lapu City Police Office, na kaagad nasawi ang 26-anyos na photographer, babaeng lending collector, at Ngangang Aying.
Dinala naman sa ospital ang construction worker na tinamaan din ng bala ng baril.
Pinaniniwalaang ‘high’ si Taghoy sa iligal na droga nang barilin nito ang mga biktima na naglalakad lamang sa kalsada.
Sinabi ng salarin na binulungan umano siya ng demonyo na magpaputok ng baril sa mga taong makikita nito.
Anang pulisya, si Aying ang unang pinaputukan ng salarin.
Agad naman naaresto ang salarin matapos ang pamamaril, na umuwi pa sa bahay nito. Narekober sa kanya ang shabu at .45 kalibreng pistola.
Sa report, dati nang naaresto ang salarin dahil sa iligal na droga at lumaya lamang apat na buwan ang nakalilipas.