Advertisers
INANOD ng rumaragasang agos ng ilog ang mag-ina sa Barangay Kibao sa Davao del Sur nitong Martes ng hapon.
Natagpuan ng mga rescuer ang bangkay ng 3-anyos na batang lalaki Miyerkules ng umaga, habang patuloy na hinahanap ang ina nitong si Meriam Lopez, 31.
Napag-alamang tumawid sa ilog ang mag-ina kasama ang isa pang anak na 10-anyos na nakaligtas sa insidente, nang bigla umanong lumaki ang tubig at bumilis ang agos ng ilog at tinangay ang mag-ina.
Ayon kay Bernadette Baldevia ng local disaster management office ng Matanao, malakas ang ulan noong panahong iyon kaya tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog.
Pinag-iingat ni Baldevia ang mga residente na huwag nang tumawid sa ilog sa kasagsagan ng malakas na ulan nang hindi maabutan ng posibleng pagragasa ng ilog.