Advertisers
HUMINGI ng paumanhin si MANILA Mayor Isko Moreno sa mga magulang ng mga estudyante sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) kung saan si Emmanuel Leyco ang pangulo dahil sa palpak na distribusyon ng P1,000 monthly allowance ng mga mag-aaral nito kamakailan.
Samantala ay pinasalamatan naman ni Moreno si Universidad de Manila (UDM) president Malou Tyquia dahil sa maayos at walang kapalpakang pamimigay ng pareho ding halaga ng allowance sa mga estudyante naman ng UDM.
“To the UDM family, to President Tyquia, to the men women and officers of UDM, thank you,” pahayag ni Moreno na sinamantala na din ang paghingi ng paumanhin sa nangyaring kapalpakan sa PLM.
“Sa mga nanay at tatay ng PLM students, ako po ay humihingi ng pasensiya sa inyo. Sa mga PLM students na nanonood, please share this broadcast… pasensiya na kayo, marami sa inyo naghintay nang matagal maghapon at inabot ng halos hatinggabi nung unang araw ng distribusyon.. ako na po ang nahingi ng pasensiya sa inyong kainipan at matagal na paghihintay sa pila sa loob ng PLM,” mapagkumbabang pahayag ni Moreno.
Magugunita na ang distribusyon ng financial assistance ng pamahalaang lungsod sa mga mag-aaral ng PLM noong December 16 ay namarkahan ng kapalpakan at kawalan ng sistema kung saan dumagsa ang mga magulang at estudyanteng nagrereklamo dahil hindi gumagana ang online system ng nasabing pamantasan kaya napilitan silang magpunta ng personal..
Ang mga kawani na nakatalaga sa pamimigay ng allowance ay ilang oras ding late. Iniulat din na hindi naobserbahan ang social distancing sa nasabing pangyayari.
Bagamat walang direktang kinalaman si Moreno sa naganap na kapalpakan, ay humingi agad ito ng despensa sa nangyari habang ang presidente ng PLM na si Leyco ay hindi man lang nagpahayag ng paumanhin sa naganap na kapalpakan.
Pinaubaya ng alkalde kay Tyquia at Leyco ang paggawa ng sistema para sa mabilis at maayos na distribusyon ng P1,000 monthly cash allowance para sa mga estudyante.
Dahil sa naganap na kapalpakan sa pamimigay ng allowance ng mga estudyante sa PLM ay nakialam na ang alkalde at inatasan si city treasurer Jasmin Talegon na panatilihin ang mga city cashiers sa kanilang trabaho hanggang maubos ang napakahabang pila bunga ng mga kalituhan.
“Sa mga nagtampo na PLM students na hirap na hirap, nauunawaan ko kayo. Ipagpaumanhin ninyo.. kung anumang miscommunication.. para wala nang turuan, I take full responsibility.. sa mga naghintay ng pitong oras, pero yan ay di naman nangyari sa UDM at sa iba’t-ibang lugar,” sabi ni Moreno.
Binanggit ni Moreno na ang mga tanggapan sa pamahalaang lungsod tulad ng Office of the Senior Citizens’ Affairs na pinamumunuan ni Marjun Isidro at social welfare department sa ilalim ni Re Fugoso ay sabay ding nagpapamahagi ng financial assistance sa mga benipisyaryo nito sa buong lungsod at nagagawa ito ng maayos at walang aberya. Ang nangyari sa PLM, ayon pa sa alkalde ay bukod tangi.
Maliban sa mga estudyante ng mga city-run university tulad ng PLM at UDM, binibigyan din ng monthly allowances ng pamahalaang lungsod ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWD) at solo parents.
“So pasensiya na kayo mga bata sa PLM…nabasa ko ang inyong mga post… what matters most is na-achieve ang goal..nakamit nakuha ng mga estudyante,” dagdag ni Moreno habang binigyang papuri si Talegon at ang team nito sa pag-o-overtime upang matiyak na ang lahat ng mga nagbabad sa pila ng ilang oras ay maproseso at huwag umuwing luhaan. (ANDI GARCIA)