Advertisers
NILUSOB ng mga holdaper na nakabihis-pulis ang isang e-bingo sa San Fernando, Pampanga, Linggo ng umaga, kungsaan higit sa P1 milyon ang natangay.
Sa CCTV footage ng establisimyento, kita sa first floor ng E-Bingo Hall ang security guard na may kausap na dalawang lalaki pasado 6:00 ng umaga.
Sabi ng attendant na nakakita ng pangyayari, narinig niya ang security guard at iyong nagpanggap umano na pulis na nagsasagutan.
May hinahanap daw kasing mga “NPA” ang mga bihis-pulis na kawatan at gustong umakyat sa gusali.
Nang manghingi ng search warrant ang sekyu, bumunot na ng baril ang mga salarin. Binitbit ng mga ito ang sekyu papuntang second floor kungsaan naroon ang teller.
Pagpasok, pinadapa ang guard at isa pang lalaking empleyado at kinuha ang kanilang mga cellphone. Sunod na tinutukan ng baril ang teller at pinapunta sa kaha.
Itinali ng nylon cord ang guard at lalaking empleyado habang nililimas ng isa sa mga holdaper ang pera sa kaha na naglalaman ng tinatayang P1.3 milyon.
Tinatayang umabot ng 12 minuto ang panghoholdap bago tumakas ang mga holda[er sakay ng puting van.
Depensa ng San Fernando Police, hindi sangkot ang kanilang mga kabaro sa panghoholdap. Nagsuot lamang daw ang mga ito ng uniporme ng pulis.
Nag-iimbestiga pa ang mga pulis sa pangyayari.