Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na ang libreng swab testing sa mga city public transport drivers, market vendors, hotel employees at mall employees ay balik na uli simula bukas December 28, matapos na ito ay pansamantalang hininto dahil sa Christmas break.
Ang libreng swab tests ay gagawin hanggang December 30 at pansamantalang ihihinto sa December 31 hanggang January 3 at magbabalik sa January 4 at tuloy-tuloy na.
Sinabi ni Moreno na layunin ng libreng swab tests na bigyan ng kapanatagan ng isip at kaligtasan ang publiko sa pagkaka-expose sa mga taong may COVID-19 na asymptomatic o walang sintomas.
Ang nasabing libreng swab tests ay nakapaloob sa executive order na ipinalabas ng alkalde upang protektahan ang lahat mamayan hangga’t maari laban sa coronavirus at mapigilan ang pagkalat nito.
Sa kanyang palagda sa nasabing EO, sinabi ni Moreno na kailangan na matiyak na ang mga residente ng Maynila ay ligtas sa kanilang paglabas at pagbalik ng bahay mula sa mga nakahalubilo nilang mga PUV drivers o empleyado ng mga service-oriented establishments at mapawi ang kanilang takot dahil ang mga ito ay sumailalim na sa swab tests.
Samantala ay pinirmahan na ni Moreno ang appointment papers ng may 26 newly- hired at 104 newly-promoted personnel mula sa Manila Health Department (MHD), 22 medical frontliners mula Sta. Ana Hospital at apat na newly-promoted mula sa City Personnel Office.
Ang hakbang na ito, ayon kay Moreno ay bahagi ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng pamahalaang lungsod na palakasin ang kakayahan ng health sector, upang higit na matugunan ang mga hamon sa panahon ng pandemya.
Ang pagkuha ng mas marami pang health personnel ay nangyari sa gitna ng pahayag ng government health experts na ang bilang ng mga bagong impeksyon ay tataas dahil sa holiday season. (ANDI GARCIA)