PFP-Manila at ‘Ang Tinig ng Senior Partylist’, sanib-pwersa
Para sa kapakanan ng senior citizen sa Maynila
Advertisers
Nagsanib-pwersa ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) – Manila Chapter at ‘Ang Tinig ng Senior Partylist’ upang tiyakin ang patuloy na pangangalaga at pagtataguyod ng mga karapatan ng senior citizens sa lungsod ng Maynila.
Sa isang makasaysayang pagtitipon ang ginanap sa Barangay 196, Zone 17, District II, Tondo, at opisyal na inindorso ng PFP-Manila ang ‘Ang Tinig ng Senior Partylist’.
Pinangunahan nina PFP Manila Co-Chairman at Mayor Raymond Bagatsing at PFP Manila Secretary-General at Vice Mayor Pablo “Chikee” Ocampo ang pagtitipon, kasama si Congressman Carlo Aldeon, 1st nominee ng ‘Ang Tinig ng Senior Partylist’ at katuwang sina Chairman Rolando ‘Macho’ Delos Reyes kasama ang mga opisyal ng Brgy. 196.
Binigyang-diin ni Mayor Bagatsing sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng pagkakaisa para sa kapakanan ng mga nakatatanda.
“Pundasyon ng ating lipunan ang ating mga senior citizen. Karapat-dapat silang bigyan ng boses at suporta upang matiyak na may maayos na kalidad ng buhay,” aniya.
Samantala, sinabi ni Vice Ma-yor Ocampo na ang pagsasanib-pwersa ng dalawang grupo, isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos at epektibong pagsulong ng mga programa para sa mga senior citizen.
“Sa tulong ng ‘Ang Tinig ng Senior Partylist’, mas lalo nating mapapalakas ang mga benepisyo, serbisyong pangkalusugan, at iba pang tulong para sa ating mga lolo at lola,” dagdag ni Ocampo.
Nagpasalamat naman si Congressman Aldeon sa mainit na suporta ng PFP-Manila at tiniyak na ipaglalaban niya sa Kongreso ang mga batas na magbibigay ng proteksyon at benepisyo sa mga senior citizen.
Dinaluhan ng daan-daang residente ang pagtitipon bilang patunay ng malawakang suporta sa adhikain ng PFP-Manila at ‘Ang Tinig ng Senior Partylist’.
Patuloy na isusulong ng dalawang grupo ang mga programang magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa mga senior citizen sa ilalim ng isang Bagong Pilipinas na may malasakit at pagkalinga.