Advertisers
Nasa hot water ngayon ang tatlong pulis sa Ilocos Norte nang akusahan ng “police brutality” ng isang lalaking complainant.
Sa report, sinabi ni P/ Col. Benigno Sumawang, Spokesman ng Police Regional Office ( PRO) 1, ang tatlong pulis na nakatalaga sa Pasuquin Municipal Station (MPS), kasalukuyan ng isinasailalim sa masusing imbestigasyon.
Nakatakda rin ilipat ang mga ito sa Regional Police Holding and Administrative Unit pero kailangan muna itong aprubahan ng Comelec dahil sa kaukulang restriksiyon sa panahon ng election period.
Samantala, pinagpapaliwanag na rin ang Pasuquin Police nang mag-viral sa social media ang pananampal at pagmumura ng tatlong pulis sa isang lalaki na nagtungo sa nasabing himpilan noong Sabado para umano magpa-blotter o magreklamo.
Gayunman, ayon sa uploader sa halip na makakuha ng hustisya sinaktan at pinagmumura pa umano siya ng nasabing mga pulis na pansamantalang hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan habang gumugulong ang imbestigasyon.
Hindi pa nakuntento matapos pagsasampalin ang walang kalaban-labang biktima at sinipa pa umano ito ng mga pulis at ipinagtabuyan palabas sa presinto.
Samantalang ang 14-anyos na tinedyer na lalaki na nagmakaawa at tinangkang umawat ang tinutukan pa umano ng baril ng naturang mga pulis. Ikinatwiran naman ng mga inirereklamo na nagwawala umano sa presinto ang nasabing lalaki na siyang pinagmulan ng komosyon at hindi rin umano buo o malinaw ang one-sided na video footage na ini-upload sa social media.
Bukod pa rito, iniulat din ng pamilya na walang mandamyento o warrant na isinilbi sa pag-aresto ng kanilang mga kasamahan, kabilang ang isang 14-anyos na menor de edad, na umano’y ikinulong nang walang sapat na dahilan.
Tiniyak din ng PNP na mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa kanilang mga alituntunin.
“Hinihikayat namin ang publiko na maging kalmado at hayaang umusad ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon. Makatitiyak kayo na ang PNP ay magiging transparent sa paglalabas ng mga update sa kaso,” pahayag ng PNP.
Labis ang hinanakit ng pamilya ng mga biktima sa marahas na pagtrato sa kanila ng mga pulis na kanilang pinuntahan para humingi ng hustisya.
“Paano tayo maghahanap ng hustisya kung mismong may kapangyarihan ang nag-aabuso? Isang tao ang sinaktan dahil lamang sa paghingi ng blotter report. Isang bata ang tinutukan ng baril. At may inosenteng nasaktan sa kaguluhan. Hindi dapat makalusot ang ganitong pang-aabuso ng kapangyarihan,” pahayag ng mga kaanak ng biktima.
Dahil sa insidente, muling napukaw ang pagpuna ng publiko sa karahasan ng pulisya at kawalan ng pananagutan.
Nanawagan ang mga grupong pangkarapatang pantao at mga mamamayan ng isang patas at masusing imbestigasyon, gayundin ang mabilis na pagsasampa ng kaukulang kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot na pulis. (Rey Velasco)