Advertisers
DAHIL sa patuloy na pandemya at paglitaw ng bagong strains ng COVID-19 sa ibang bansa, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na pinag-aaralan na ng mga mambabatas at finance managers ang posibilidad na magpasa ng batas na muling magpapalakas sa pagresponde at recovery efforts ng gobyerno.
Matapos ang pagpapasa ng Bayanihan to Heal as One Act at Bayanihan to Recover as One Act ngayong taon, sinabi ni Go na posibleng kailanganin ang “Bayanihan 3” para makatulong sa vulnerable sectors, sa mga nawalan ng trabaho at sa mga locally stranded individuals na nagsibalikan sa kani-kanilang probinsiya.
“Kung may pera po, possible ‘yan (Bayanihan 3). Kakausapin ko si (Finance) Secretary (Carlos) Dominguez… kung talagang hirap tayo ngayong darating na taon, (titingnan) kung mayro’n pong posibilidad… kakausapin ko pa po na sana po’y magkaroon tayo ng Bayanihan 3,” ani Go sa isang radio interview.
Sinabi ni Go na tatalakayin nya rin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad na pagpapanukala ng Bayanihan 3 measure.
“Kung saka-sakali, kakausapin ko rin po si Pangulo, kung mayro’n naman silang pagkukunan, siguro sa mga susunod na buwan ay maaaring pag-aaralan po na magkaroon tayo ng Bayanihan 3,” aniya.
“Titingnan (natin) kung saan talaga ang mas nangangailangan pa ng tulong, kung sino pa ‘yung hindi nakakatanggap ng tulong na mga sektor,” idinagdag ng senador.
Kaugnay nito, sinabi niya na halos lahat ng locally stranded individuals ay napauwi na sa mga lalawigan.
“Almost all na po nakauwi, ‘yung iba nakabalik na rito eh. ‘Yung mga nakauwi na ng probinsya, ‘yung iba bumalik na siguro dito dahil may mga trabaho na po ‘yung iba. Pero sa totoo lang, talagang napakahirap po na ma-stranded na wala kang kamag-anak,” sabi ni Go.
“At kung manatiling manageable po ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, baka hindi na kailangang maghigpit pa tayo ng quarantine measures.
“Kaya dapat ma-manage natin na hindi bumagsak ang ating healthcare system dahil pag bumagsak ito, malaking problema at mas malaking gastos sa ating gobyerno,” pahabol ng mambabatas. (PFT Team)