Advertisers
Sugatan ang dating mayor ng Plaridel, Quezon nang pagbabarilin sa Barangay Ibabang Dupay, Lucena City nitong Miyerkules ng madaling araw, April 30, 2025.
Base sa ulat sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), kinilala ang biktima na si Wilfredo Magbuhos, Jr., may-asawa at ngayon amkumakandidato bilang bise-alkalde sa bayan ng Plaridel para sa May 12 elections.
Sa pagsisiyasat ng Lucena Police, ala-1:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente malapit sa tanggapan ng PrimeWater sa Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.
Galing umano sa Quezon Cockpit Arena sina Magbuhos at nagbaba ng kasamahan nito sa naturang lugar nang lapitan umano ang biktima ng salarin at agad siyang tinutukan ng baril habang pilit na inaagaw ang kanyang bag. Dito tangkang pumalag ang biktima pero pinagbabaril siya ng salarin.
Sa kabila ng tinamong tama ng bala sa kanyang hita at bisig dahil sa pagputok ng baril, nagawa pa ni Magbuhos na patakbuhin ang kanyang sasakyan papunta sa ospital dahilan upang makaladkad ng ilang metro ang salarin pero nagawang makatakbo.
Kasakuluyang nasa hindi tinukoy na ospital ang biktima habang pinaghahanap pa ang tumakas na salarin .
Inaalam na ng pulisya kung may bahid pulitika ang pamamaril sa biktima o isang insidente ng holdap.