Advertisers

Advertisers

Ex-mayor kulong sa katiwalian

0 5

Advertisers

Pinagtibay ng Supreme Court ang hatol na pagkakakulong kay dating Dapitan City Mayor Joseph Cedrick O. Ruiz para sa katiwalian at maling paggamit ng halos P1 milyon sa confidential at intelligence funds.



Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, kinatigan ng First Division ng Korte Suprema ang hatol na guilty ng Sandiganbayan kay Ruiz sa paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act (R.A.) No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Article 217 ng Revised Penal Code (RPC) sa malversation ng public funds.

Hanggang walong taong pagkakakulong ang ipinataw ng Korte Suprema para sa graft at hanggang walong taon at walong buwan na pagkakakulong naman para sa malversation. Habambuhay na rin siyang hindi makakahawak ng pampublikong posisyon, at pinagmumulta ng PHP 950,000 na katumbas ng halaga ng mga nagamit na pondo.

Nagsilbi si Ruiz bilang alkalde mula 1998 hanggang 2001. Ilang linggo bago matapos ang kanyang termino, inutusan niya ang Deputy Chief of Police na si Pepe Nortal (Nortal) na humiling ng PHP 1 milyon cash advance na kumakatawan sa buong confidential funds ng lungsod noong 2001 para diumano’y matugunan ang mga karahasan pagkatapos ng halalan.

Sa kabila ng mga pagtutol mula sa mga opisyal ng lungsod, inaprubahan ni Ruiz ang hiling at nilagdaan ang mga dokumento ng disbursement.

Binigay ni Nortal ang pera kay Ruiz, na nagbigay naman ng P50,000 para sa police operations. Pero hindi na na-account kung saan napunta ang natirang pera.

Ayon sa Korte Suprema, kung talagang ninais ni Ruiz na gamitin ang mga pondo para tugunan ang karahasan pagkatapos ng halalan, hindi niya dapat hiniling ang kabuuang halagang nakalaan para sa buong taon. Dahil dito, napinsala ang lungsod dahil naubos nito ang confidential funds kaya napilitan itong i-realign ang natitirang mga pondo.

Sinabi pa ng Korte na nagawa ni Ruiz ang malversation nang gamitin niya ang confidential funds para sa personal na pakinabang. Bilang alkalde, mayroon siyang kontrol at responsibilidad sa mga pondong ito. Pinirmahan niya ang disbursement voucher, na ginawa siyang awtoridad sa pag-apruba para sa cash advance. Kung wala ang kanyang pirma, hindi maibibigay ang tseke.