Advertisers

Advertisers

Tumitinding kaso ng digital fraud, dapat tutukan -TRABAHO Partylist

0 2

Advertisers

Nanawagan ang TRABAHO Partylist, bilang 106 sa balota, sa mga ahensiya ng gobyerno, institusyong pinansyal, at mga kumpanya sa teknolohiya na magsagawa ng agarang aksyon upang maprotektahan ang mga manggagawang Pilipino mula sa tumitinding kaso ng digital fraud sa bansa.

Ayon sa Omnichannel Fraud Report ng TransUnion, pumapangalawa ang Pilipinas sa may pinakamataas na kaso ng digital fraud sa buong mundo para sa taong 2024.



Sa nasabing report, umabot sa 13.4% ang digital fraud rate ng bansa, malayo sa pandaigdigang average na nasa 5.4% lamang. Kabilang sa mga pangunahing uri ng cybercrime na bumibiktima sa mga Pilipino ay phishing, account takeover, at identity theft.

Ipinahayag ni TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu ang kanyang matinding pagkabahala sa epekto ng mga ito sa karaniwang manggagawang Pilipino.

“Nakakapanlumo na mawawala lang sa ilang pindot ang ipon ng ating mga manggagawa mula sa araw-araw nilang kayod at sakripisyo,” giit ni Espiritu.

“Yung mga ibang biktima, pinagod at pinagtrabaho na sila sa mga online task, niloko pa sila na kailangan nila magdeposit ng libu-libong halaga para makawithdraw sila ng mas malaking halaga,” pagsasaad ng tagapagsalita.

Bilang solusyon, hinihimok ng grupo ang gobyerno pati na rin ang mga financial institution na magpatupad ng mainstream digital literacy programs gaya ng araw-araw na text blast, free tv commercials, at community-based seminars. Hindi umano sapat ang minsanang pabatid na kadalasang natatabunan sa email inbox ng mga tao.



Layunin nitong turuan ang mga manggagawa kung paano matukoy ang modus na trabaho,  phishing at mga pekeng website, paano ligtas gumamit ng digital banking at e-wallets, at palaganapin ang kahalagahan ng multi-factor authentication at malalakas na password.

Iminungkahi rin ng partylist na maghain ng mga resolusyon upang imbestigahan ang epekto ng digital fraud sa mga mabababang kita at bumuo ng mga panukalang batas para punan ang mga kakulangan sa kasalukuyang proteksyon at kaalaman sa cybersecurity.

Sa parte nito, tumutulong din ang TRABAHO Partylist sa kampanya laban sa mga digital fraud sa pamamagitan ng educational reels at infographics sa tulong ni celebrity host Melai Cantiveros-Francisco.

Ang kanilang collaboration content na “Trabaho o Mabaho” sa social media ay patuloy na nakakaabot sa milyun-milyong netizens upang magbigay babala laban sa mga karaniwang online scam at digital fraud.