Advertisers
KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng dalawang indibidwal, kabilang dito ang 5-anyos na babae na parehong dead on spot habang apat iba pa ang isinugod sa pagamutan matapos na bumangga ang isang itim na Ford Everest sports utility vehicle sa outer railing ng departure level sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA Terminal 1) ngayong Lunes, May 4,2025.
Ayon sa inisyal na ulat, hindi nakaligtas mula sa pagkakabangga ang batang babae at isang 29-anyos na lalaki habang nadamay ang iba pang indibidwal kung saan ay agad silang isinugod sa San Juan De Dios hospital sa Pasay City ng mga ambulansya ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) at Manila International Airport Authority (MIAA).
Inaresto ang driver ng ‘killer SUV’ na si Leo Gonzales ng Tayuman, Batangas na ngayon ay nasa kustodiya ng PNP-Aviation Security Group ng NAIA Terminal 1 habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Ayon sa ilang nakasaksi, malapit na sa departure area ang driver ng ford everest na may plaka DCB-3411 nang biglang sumingit ang isa pang sasakyan kaya’t biglang tinapakan ni Gonzales ang preno, ngunit imbes na preno ay natapakan nito ang gas pedal na naging dahilan nang pagbangga ng kanyang sasakyan sa rehas.
Sa isang pahayag ng NNIC, ang mga indibidwal na nagtamo ng mga pinsala ay kasalukuyang ginagamot. Nasa kustodiya na ngayon ng PNP ang driver na sangkot sa insidente.
“Sa oras na ito, naghihintay kami ng opisyal na kumpirmasyon sa sanhi ng insidente at mga ulat ng mga pinsala. Mahigpit kaming nakikipag-ugnayan sa lahat ng kinauukulang ahensya upang mangalap ng tumpak na impormasyon,” sabi ng NNIC.
Idinagdag ng NNIC management na naiindtindihan nila ang pag-aalala na idinulot ng insidenteng ito, lalo na’t kumakalat ang mga larawan sa social media. Hinihimok ng NNIC ang publiko na maghintay ng mga na-verify na update, na ilalabas sa sandaling maging available ang mga ito.
Samantala, nangako si NNIC President Ramon S. Ang na magbibigay ng agarang tulong sa mga biktima ng vehicular accident na naganap kaninang araw sa departure level ng NAIA Terminal 1.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinabi ni Ang na personal niyang sasagutin ang mga gastusin sa pagpapagamot ng apat na indibidwal na nasugatan at magbibigay ng tulong pinansyal sa pamilya ng dalawang namatay sa insidente. (JOJO SADIWA)