Advertisers
Karapat-dapat ang mga Pasigueño sa tunay at konkretong serbisyong pampubliko, at hindi lamang sa tinatawag na “good governance”, ayon kay mayoralty candidate Sarah “Ate Sarah” Discaya.
“Ako’y pabor sa good governance. Gusto ko rin ito. Pero dapat may kaakibat itong konkretong resulta.
Anim na taon ang ibinigay sa aking katunggali para pagandahin ang buhay ng mga Pasigueño, pero wala siyang naipatayong mga paaralan, ospital, o pabahay—na siyang pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan,” ani Discaya.
“Usapang sikmura. Kinabukasan. Kalusugan. Maayos na tirahan. Ito ang tunay na kailangan ng mga Pasigueño. Hindi sapat ang sinasabing maayos at malinis na pagpapatakbo ng pamahalaang lokal,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Discaya na “walang pangarap o bisyon ang magkakatotoo kung ang lider mismo ay hindi marunong magsimulang tuparin ang mga pangako.”
Nangako si Discaya na gagawing isang “smart city” ang Pasig—isang lungsod na gumagamit ng makabagong teknolohiya upang mas mapabuti at mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan.
Sa ilalim ng grupong “Team Kaya This,” gagamitin ni Discaya ang kanyang karanasan sa pagnenegosyo upang paunlarin ang imprastraktura at mapabuti ang kabuhayan ng mga Pasigueño.
Ilan sa kanyang mga prayoridad ay ang pagpapatayo ng isang 11-palapag na gusaling unibersidad, 7-palapag na gusaling high school, at isang modernong elementarya upang palawakin ang edukasyonal na oportunidad para sa kabataan ng Pasig.
Nais din niyang magtayo ng makabago at 11-palapag na ospital na may kumpletong pasilidad, libreng gamot, at zero billing—na matatapos sa loob ng dalawang taon kapag siya’y nahalal.
Kabilang din sa kanyang mga plano ang pagtatayo ng vertical housing projects upang masolusyonan ang kakulangan sa pabahay, at ang pagtatatag ng isang ultramodern na transport terminal para sa mas maayos na sistema ng pampublikong transportasyon.
Upang masolusyunan ang lumalalang trapiko, nais niyang magpatupad ng sensor-based traffic system at magtayo ng vertical parking spaces para sa mga sasakyan.
Palalakasin din niya ang patakaran sa flood control ng lungsod upang mabawasan, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang pinsala sa buhay at ari-arian tuwing tag-ulan.
Kabilang pa sa kanyang mga plano ang pagpapabuti sa kakayahan ng lungsod sa aerial firefighting at rescue, pagtatayo ng bagong kalsada at malawak na esplanade sa tabi ng Ilog Pasig, digitalisasyon ng mga serbisyo sa city hall at mga ospital, pagkakaloob ng libreng city-wide WiFi, at pagtatatag ng isang command center para sa malawakang anti-crime CCTV network.
“Ito ang kailangan naming mga Pasigueño—mga proyektong magpapagaan sa araw-araw naming pakikipaglaban sa buhay. Ito ang alay ko sa aking mga kababayan. Ito ang aking mga pangako. Mga pangakong kayang-kaya kong tuparin,” pagtatapos ni Discaya.