Advertisers
Nasawi ang dalawang katao, kabilang ang 5-anyos na babae, at apat ang sugatan sa pag-araro ng isang SUV sa departure area sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Linggo, Mayo 4.
Ayon sa ulat, isang itim na Ford Everest na may plakang DCB 311, ang tumama sa outer railing at pumasok sa walkway malapit sa terminal entrance, na sumagasa at dahilan ng pagkasugat ng mga tao.
Labis naman ang galit ng ama ng 5-anyos na biktima sa sinapit ng anak dahil sa insidente, na paalis sana patungong ibang bansa para magtrabaho.
Ihahatid lang sana ng mag-ina ang padre de pamilya na biyaheng Europe bilang overseas Filipino worker (OFW) nang mangyari ang trahedya.
Kabilang sa mga nasawi ang anak ng OFW na kinilalang si Mallea Masungsung, habang nagtamo naman ng matinding pinsala sa katawan ang kaniyang misis na agad na isinugod sa San Juan De Dios Hospital.
Nahagip din umano ng rumaragasang sasakyan ang lola ng 5-anyos na bata.
Samantala, tinutukoy pa ang pagkakakilanlan ng isa pang lalaking nasawi sa insidente.
Isang tao pa umano ang nasa ilalim ng sasakyan nguni’t hindi pa tiyak ang pagkakakilanlan ng biktima.
Ayon sa San Miguel Corp. (SMC), kasalukuyan nang ginagamot ang mga nasugatang indibidwal habang nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang driver ng SUV na sangkot sa insidente.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang New NAIA Infra Corp. (NNIC), the Philippine National Police (PNP), at Manila International Airport Authority (MIAA) Security, ayon sa pahayag ng pamunuan ng NAIA.
Ayon sa driver ng nasabing SUV na si Leo Gonzales, nakaparada siya nang maghatid ng pasahero pero nataranta nang may tumawid na sasakyan kaya agad siyang nag-preno.
Subali’t imbes na ang preno, ang selenyador ang kaniyang natapakan, dahilan para humarurot ang sasakyan, tumama sa outer railing at pumasok sa walkway malapit sa terminal entrance, na sumagasa naman sa mga tao.
“The area has since been secured, and access is now limited to authorized personnel from New NAIA Infra Corp. (NNIC), the Philippine National Police (PNP), and MIAA Security, who are currently conducting a full investigation,” pahayag ng SMC.
“At this time, we are awaiting official confirmation on the cause of the incident and reports of injuries.
We are closely coordinating with all concerned agencies to gather accurate information,” dagdag pa nito.
Tuluyan nang naalis ang sasakyang Ford Everest na sumagasa sa mga pasahero sa departure area ng NAIA.(Jojo Sadiwa)