Advertisers
Pinuna ng Commission on Audit (COA) si Mayor Maria Cristina C. Angeles ng Tarlac dahil sa mga iregularidad sa pagbili ng mahigit P50 milyong halaga ng gamot at medical supplies, na ayon sa COA ay “gross violations of procurement laws and regulations.”
Ayon sa Fraud Audit Report No. 2025-003, bumili ang pamahalaang lungsod ng P843,900 na halaga ng gamot na hindi kasama sa Philippine National Formulary (PNF), taliwas sa Executive Order No. 49, s.1993 at DOH Administrative Order 2012-0023 na nag-aatas ng eksklusibong paggamit ng PNF sa lahat ng gamot na bibilhin ng gobyerno.
Bukod pa dito, binayaran ng buo ang P50.8 milyong kontrata para sa medical, dental, at laboratory supplies kahit na kulang-kulang ang mga dokumento. Ang isang supplier, ang Theya Enterprises, ay walang valid business permit at lisensiya mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Ayon pa sa COA, P33.85 milyong halaga ng tseke ang inisyu kahit hindi pa nagagawa ang mga disbursement voucher, na itinuturing na “badge of irregularity”.
Sa kaugnay na ulat, kinuwestiyon din ng COA ang pagbili ng school kits na umabot sa P91.8 milyon. Lalong ikinabahala ng ahensya ang pagtanggap ng bayad ng isang government employee imbes na ng supplier o authorized representative nito, dahilan upang pagdudahan ang transaction.
Inirekomenda ng COA na panagutin ang mga sangkot na opisyal, kabilang si Mayor Angeles, dahil sa mga ma-anomalyang transaction na ito.