Advertisers
Magbabalik sa lalawigan ng Bulacan para manligaw muli ng mga botante ang administration-backed Senate slate na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa isang malakihang campaign rally sa Malolos City sa Mayo 7, Miyerkoles.
Target pa rin ng ‘Alyansa’ na patatagin ang suportang makukuha mula sa isa sa vote-rich province sa bansa upang palakasin ang kanilang kandidatura sa nalalapit na midterm elections sa Mayo 12 at i-promote ang paglago ng ekonomiya at mga plano pa ng administrasyong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa buong bansa.
Ikalawang pagsugod na ito ng koalisyon sa Bulacan kasunod ng naunang campaign event dito noong Pebrero 28 sa San Jose del Monte City.
Ang Malolos City, makasaysayang punong-lungsod ng Bulacan, ay sumisimbolo sa karakter ng mga Pilipino dahil dito isinilang ang unang Republika ng Pilipinas taong 1899.
Sa kasalukuyang panahon, ang Malolos City ay simbolo na ng kaunlaran at pagsusumikap ng mga Bulakenyo, mga ugaling isinasabuhay rin ng ‘Alyansa’ sa pamamagitan naman ng mga komprehensibong development plan ng koalisyon para sa lalawigan at sa buong bansa.
Gumanap ng mahalagang papel ang Bulacan, first-class province na may 2.17 million registered voters, noong nagdaang 2022 national elections.
Nagdeliber ang Bulacan ng 1,024,069 boto para sa tagumpay ni Pangulong Marcos noong 2022 polls, isang malakas na indikasyon ng suporta ng mga Bulakenyo para sa mga lider na nagdadala ng tunay na solusyon sa mga problema ng bayan.
Ipinagdiinan ni ‘Alyansa’ campaign manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco ang napakahalagang papel ng Bulacan sa kaunlaran ng buong bansa dahil sa mabilis na pagsulong ng lalawigan sa tulong ng mga lumalagong industriya nito, na mayroon ding strategic location na malapit sa Metro Manila.
“Isang powerhouse ang Bulacan, daan patungo sa kaunlaran. Palaging tumitindig ang mga Bulakenyo para sa matatag na pamamahala. Narito ang ‘Alyansa’ para tiyaking makakasama ang Bulacan sa mga benepisyo ng pambasang kaunlaran,” wika ni Tiangco.
Bumubuo sa ‘Alyansa’ slate sina former Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, former Senator Panfilo “Ping” Lacson, Senator Lito Lapid, former Senator Manny Pacquiao, former Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis “Tol” Tolentino, ACT-CIS Representative at former Social Welfare Secretary Erwin Tulfo at si Deputy Speaker Camille Villar.
Binanggit din ni Tiangco ang mga matatapos nang major infrastructure project na magbebenepisyo sa Bulacan gaya ng North-South Commuter Railway, ang Bulacan International Airport at mga major expressway expansions, lahat idinesenyo upang mapadali ang connectivity, palakasin ang mga negosyo at makalikha ng mga trabaho.
“Hindi lamang po Bulacan ang magbebenepisyo sa mga proyektong ito, tutulungan din nitong palakasin ang ekonomiya ng buong Central Luzon,” patuloy ni Tiangco.
Kinikilala ang malakas na manufacturing at agricultural sector ng Bulacan, nangako ang ‘Alyansa’ na magsusulong pa ng mga polisiyang susuporta sa mga magsasaka at mga maliliit na negosyante sa pagpapahiram ng mga puhunan, pagbibigay ng training at mga modernong teknolohiya.
Poprotektahan din ng ‘Alyansa’ ang lokal na industriya sa Bulacan partikular ang prodüksiyon ng pagkain, textiles at construction materials.
Palalawakin din ng ‘Alyansa’ ang healthcare program sa Bulacan, titiyaking magdaragdag ng mga pampublikong ospital, mga rural clinic at mga specialized programs para sa mga liblib na barangay sa lalawigan.
Hindi rin kalilimutan ng ‘Alyansa’ ang edukasyon, plano ng koalisyon na paramihin pa ang mga iskolar, magbibigay ng mga technical-vocational programs at mas maayos na mga pasilidad upang hubugin ang mga kabataang Bulakenyo para sa mga future job opportunities.
Ang campaign rally sa Mayo 7 ay isang pagkakataon din para sa ‘Alyansa’ na iparating muli sa taumbayan ang kanilang bisyon para sa patuloy at pangkalahatang kaunlaran.
“Ang Bulacan ay haligi ng kaunlaran. Narito ang ‘Alyansa’ para tumulong palakasin ang pundasyon ng kaunlaran. Titiyakin ng ‘Alyansa’ na walang Bulakenyong maiiwan,” sabi pa ni Tiangco.