Advertisers
Tiniyak ng San Miguel Corporation (SMC) na patuloy na pinapabuti nito ang kapaligiran, ekonomiya, at buhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng proyektong Better Rivers PH—isang inisyatiba ni Ramon S. Ang, CEO at Chairman ng SMC.
Tahimik ngunit epektibong isinasagawa ng Better Rivers PH ang rehabilitasyon ng mga ilog at kanal sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga, at Laguna. Sa Parañaque City, higit 139,000 toneladang putik at basura ang inalis sa mga daluyang tubig malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nabatid na ang paglilinis ng ilog ay bahagi ng proyekto ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), isang subsidiary ng SMC na siyang nakakuha ng kontrata upang i-modernisa ang pangunahing paliparan ng bansa. Bilang bahagi ng kontrata, nagbayad na ang San Miguel ng P30 bilyon sa gobyerno at magbabayad pa ng P2 bilyon kada taon sa loob ng 15 taon.
Hindi lang sa Metro Manila tumutok ang proyekto. Sa Bulacan, nilinis din ng Better Rivers PH ang mga ilog sa Meycauayan, Obando, Bulakan, Bocaue, Marilao, Balagtas, at Guiguinto—mga lugar na kalapit ng itinatayong New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan.
Bagamat may posibilidad na pinoprotektahan ng SMC ang kanilang mga proyekto, tulad ng NMIA at NAIA, hindi maikakaila ang lawak ng kontribusyon nito sa mga lugar na walang direktang benepisyo sa negosyo. Halimbawa, gumastos ang kumpanya ng hindi bababa sa ₱1 bilyon para sa dredging ng Tullahan River.
Maging ang Pasig River ay napakinabangan, kung saan naging muli itong daan ng pampublikong transportasyon. Dahil sa proyekto, muling pinapakinabangan ng mga komyuter ang Pasig River Ferry System, habang umusbong din ang Pasig River Esplanade bilang bagong atraksyon sa lungsod.
Sa Pampanga at paligid ng Laguna Lake, matagumpay ding naibalik ng San Miguel ang dating lalim ng mga ilog. Umabot na sa 8.2 milyong toneladang burak ang kanilang naalis—lahat ay isinagawa nang walang gastos mula sa gobyerno.
Sa kabuuan, ipinapakita ng San Miguel Corporation na ang tunay na corporate social responsibility ay hindi lamang tungkol sa kita, kundi sa konkretong aksyon para sa bayan.