Advertisers
Sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Taguig City police nadakip ang nag-iisang suspect na nagtangkang mangholdap at tumangay ng P7.4 milyon sa isang pribadong pangpinasyal na institusyon sa Taguig nitong Linggo ng hapon, Mayo 4.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/Maj Gen Anthony A. Aberin ang nadakip na si alyas Bernard, 54.
Base sa report, nakatanggap ng automated alarm system signal ang Taguig Sub-Station 2 mula sa isang financial institution na matatagpuan sa Veterans Center, Barangay Western Bicutan, Taguig City 3:36 ng hapon.
Agad na rumesponde ang Sub-Station Commander kasama ang dalawa pa niyang tauhan na naabutan pa ng mga ito ang suspect sa loob ng naturang establisimiyento.
Ilang saglit pa, dumating naman ang mga operatiba ng Taguig police Special Weapons and Tactics (SWAT) at Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) upang tumulong sa pag-aresto ng suspect.
Napag-alaman sa imbestigasyon na na pumasok ng naturang establisimiyento ang suspect at dahil regular na kliyente na ito ng nabanggit na institusyon kung kaya’t hindi na ito kinapkapan pa ng nababantay na guwardiya.
Dahil nga sa regular na itong kliyente, nagpaalam ang suspect na gumamit ng restroom at sa kanyang paglabas bitbit na nito ang isang .9mm na baril kung saan nagdeklara ito ng holdup.
Tinutukan ng suspect ng baril si alyas “Nadielyn”, 35, na branch service officer ng establisimiyento at inatasan naman ang marketing officer na si alyas “Liezel,” 41 na buksan ang kanilang vault.
Makaraang mabuksan ang vault, tinutukan naman nito ng suspect ng kanyang hawak na baril si “John,” 28, loan processor, para ilagay ang pera na nagkakahalaga ng P7,464,800 sa kanyang camouflage backpack.
Lingid sa kaalaman ng suspect, pasimpleng nai-activate ni alyas Liezel ang silent alarm kung kaya’t ilang saglit lamang nagdatingan na ang mga rumespondeng pulis na umaresto kay alyas Bernard.
Nakumpiska sa posesyon ng suspect ang isang Armscor .9mm pistol na kargado ng siyam na bala habang nabawi naman ang P7,464,800 na kanyang tinangkang tangayin.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Taguig City police ang suspect na nahaharap sa mga kasong robbery (hold-up), paglabag sa RA 10591 na may kaugnayan sa RA 7166, at serious illegal detention sa Taguig City Prosecutor’s Office.