Advertisers

Advertisers

De Guzman, Espiritu ipagpukpukan sa Senado ang P1,500 pambansang arawang minimum na sahod

0 9

Advertisers

Ipinahayag nina Ka Leody De Guzman at Luke Espiritu nitong Miyerkules ang kanilang layunin na isabatas ang P1,500 na arawang minimum na sahod sa buong bansa bilang unang panukalang batas na kanilang ihahain sa Senado sakaling sila’y mahalal.

Binigyang-diin nina De Guzman at Espiritu na batay sa aktwal na gastusin ng mga sambahayan ang panukalang dagdag-sahod, at ito umano ang unang hakbang sa pagtupad sa mandatong nakasaad sa Konstitusyon na magbigay ng sahod na sapat para sa pamumuhay ng mga manggagawa.

“Umaabot sa P30,000 kada buwan ang kailangan ng isang pamilya para matugunan ang pinakapayak na pangangailangan. Hindi tama na matapos ang buong araw ng pagtatrabaho, ay abonado pa ang manggagawa at nalulubog sa utang. Dapat lang na ibigay sa kanya ang nararapat—isang sahod na tunay na makabubuhay sa kanya at sa kaniyang pamilya,” ani De Guzman.



Ayon kay Espiritu, ang panawagan para sa dagdag-sahod ay unang hakbang lamang sa mas malawak na adyenda para sa kapakanan ng mga manggagawa.

“Mapait ang kalagayan ng mga manggagawa sa bansa. Kailangan ng sistematikong reporma, at ito ang itutulak namin sa Senado. Ang panukalang dagdag-sahod ay una lamang sa mga kagyat na hakbang para bigyang-luwag ang mga manggagawa habang isinusulong natin ang tunay na pag-angat ng kanilang you kabuhayan,” pahayag ni Espiritu.

Giit pa ni De Guzman, dapat ay pambansa ang pagpapatupad ng taas-sahod upang tiyaking pantay ang pagtrato sa mga manggagawa saan mang panig ng bansa, at upang pasiglahin rin ang mga lokal na ekonomiya.

“Hindi tama na mas mahal ang pawis ng manggagawa sa Maynila kaysa sa ibang lalawigan. Ang dagdag na kita ng manggagawa, tiyak na dito rin gagastusin sa pangangailangan ng pamilya—na siya namang magpapatibay sa ekonomiya ng mga probinsya,” ani De Guzman.

“Matagal nang sinusubukan ng gobyerno na maghikayat ng mamumuhunan sa mga lalawigan. Hindi nila iniisip na ang tunay na problema ay wala ring pambili ng produkto at serbisyo ang mga tao roon. Panahon na para tugunan ito,” dagdag niya.



Sinabi naman ni Espiritu na may mga umiiral nang batas tulad ng BMBE Law at Wage Rationalization Law na nagpapahintulot ng exemptions at tulong mula sa pamahalaan para sa maliliit na negosyo upang matugunan ang sahod ng kanilang mga empleyado nang hindi malulugi.

“Pinapayagan ng batas na matulungan ang maliliit na negosyo sa pagtugon sa minimum wage. Ngayon pa lang ay may AKAP program ang gobyerno, na dapat ay tumutulong sa mga apektado ng taas-presyo at mababang kita. Sa halip na ipamigay bilang ayuda ang P26 bilyong pondong inilaan para rito, puwede itong gamitin para suportahan ang P1,500 minimum wage proposal—kahit hindi na dumaan pa sa mga kongresista at senador,” pahayag ng pambansang pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.