Advertisers
UMAKYAT ang Angkasangga Partylist sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research, kung saan nakatitiyak na sila ng hindi bababa sa dalawang upuan sa Kongreso.
Sa survey na ginawa mula Abril 20 hanggang 24, nakakuha ang Angkasangga Partylist ng 2.51 porsyento ng boto, sapat para makamit ang ika-13 puwesto at dalawang upuan sa Kamara.
Ito’y malaking pag-angat mula sa resulta ng survey noong Abril 10 hanggang 16, kung saan nakakuha lamang sila ng 1.98 porsyento at tinatayang makakakuha ng isang upuan.
“Lubos po ang aming pasasalamat sa lumalawak na suporta ng ating mga kababayan,” pahayag ni Angkasangga Partylist First Nominee George Royeca.
“Patunay lang ito na lumalakas na ang adbokasiya para sa hanay ng mga manggagawa at motorcycle riders. Tayo ang magiging boses nila sa loob ng Kongreso,” dagdag niya.
Kabilang sa mga isusulong ng Angkasangga ang pagsama ng motorsiklo sa pambansang transport plan, lalo’t libu-libong informal workers gaya ng mga tricycle driver, vendor, at freelancer ang umaasa rito para sa kabuhayan.
Muli ring pinagtibay ni Royeca ang paninindigan ng Angkasangga na itataguyod ang karapatan at kapakanan ng informal workers sa Kongreso at pagtugon sa mahahalagang isyu gaya ng pampublikong transportasyon, paglikha ng trabaho, at proteksyon sa mga manggagawa.
Itinutulak ng Angkasangga ang mahahalagang reporma sa paggawa tulad ng paid sick leave, government-mandated benefits para sa informal workers, at accident insurance para sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).