Advertisers
Patay ang isang kandidato pagka-konsehal at ang kanyang kapatid na barangay chairman ng tambangan ng mga armado habang patungo sana sa isang polling site sa Barangay Rinabor sa Bayang, Lanao del Sur nitong umaga ng Lunes, May 12, 2025.
Sa ulat ng Bayang Municipal Police Station, hindi na umabot ng buhay si Afganie Balt Taha, kandidato sa pagka-municipal councilor sa Bayang, at ang kanyang kapatid na si Walid, barangay chairman sa Sumbag na sakop ng naturang bayan.
Sa ulat ni Captain Edmundo Nabor, hepe ng pulisya sa Bayang, kay Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, patungo sana sa Mauyag Papandayan National High School ang magkapatid upang bumoto ng sila ay tambangan ng mga armado na mabilis na nakatakas.
Ayon sa mga kamag-anak ng magkapatid na napaslang, may kinalaman sa pulitika ang pagkakapatay sa kanila.
Ang napatay na magkapatid ay mula sa mga malaki at maimpluwensiyang angkan na Maranao.