Advertisers
HINIMOK ni Bise Presidente Leni Robredo na maging transparent sa pamamahagi ng bakuna laban sa covid-19.
Kasunod na rin ng pagkabunyag sa publiko ang pagbakuna sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) gamit ang hindi awtorisadong COVID-19 vaccine.
Pasaring pa ni Robredo, dapat maimbestigahan ang ginagawang pagpapabakuna sa mga miyembro ng PSG dahil hindi ito dumaan sa regular na proseso na itinatakda ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Giit pa ni Robredo na hindi dapat palampasin ang pangyayari dahil nanghihimok lamang ito sa mga tao na gumawa rin ng mali lalo na’t wala namang nakikitang naparurusahan.
Pasaring pa ni Robredo, hindi nakatutulong sa bansa na ang mga malalapit pa sa pangulo ang mismong lumalabag sa mga umiiral na protocols at batas.
Mariing kinondena ng pangalawang pangulo kung bakit hindi nasunod ang listahan ng ipa-priority ng pamahalaan pagdating sa bakuna kung saan nangunguna dapat ang mga health workers.
Iginiit pa ni Robredo, kanyang kinikilala na dapat isa sa prayoridad ang mga uniformed personnel lalo na ang mga nakapaligid sa pangulo pero nakapagtataka aniyang hindi nasunod ang panuntunan sa bakuna. (Josephine Patricio)