Advertisers
Anim na parcel na naglalaman ng party drugs at heroin na itinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P4.43 million ang nasabat ng mga tuhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa, ang mga kontrabando ay nasabat sa Central Mail Exchange Center, habang nakapaloob sa mga pakete na deklaradong skin care products, board games at plumbing materials na may tatak na “Sistema/Shower Set/Pipe Set” at “Kitchen Water Purifier.” Umaabot sa 1,330 tableta ng party drugs o ecstasy at nasa 362 gramo ng heroin ang nakumpiska.
Sinabi ni Mapa na sa paunang imbestigasyon, ang mga droga ay mula sa Ireland, Netherlands at Thailand at batay sa nakalap na derogatory information mula sa custom intelligence counterpart ay agad na nakipag-ugnayan ang mga ahnete ng Aduana sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group para sa operasyon.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang kahalagahan ng pagbabahagi ng impormasyon, kooperasyon ng mga ahensya at mahigpit na pagsisiyasat.
Ayon kay Dr. Mark Jhon Almase, Customs deputy collector for passenger services ang mga droga ay ibinigay na sa PDEA para sa imbestigasyon at kaukulang aksyon, ayon sa batas.
“The Bureau of Customs remains relentless in its efforts to secure the country’s borders against illegal drugs, which pose grave threats to the health and safety of our people,” ani Rubio. (Jerry Tan)