Advertisers
Isusulong ng muling nahalal na Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang “strong commitment” sa pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa bansa—sa pagsasabing ang pamumuhunan sa edukasyon ay napakahalaga sa pagtiyak ng magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino.
“Naniniwala po ako na ang edukasyon ay puhunan ng kabataan, ng mga estudyante. Dala nila yan hanggang sa pagtanda,” sabi ni Go, chairman ng Senate committee on youth.
“Hindi po ayuda. Yung ayuda po one time lang yon, bukas baka wala na yon. Pero ito pong edukasyon dala nila yan,” idinagdag niya.
Kilala sa kanyang malawak na krusada sa repormang pangkalusugan, sinabi ni Go na isa sa kanyang prayoridad sa kanyang susunod na termino ay ang itulak ang higit pang mga programang pang-edukasyon na accessible at inclusive.
Tinukoy ni Go ang matagumpay na pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931), na nilagdaan bilang batas sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ibinahagi niya na halos ma-veto ang free tertiary education law noong panahon na siya ay Special Assistant to the President pa, ngunit sa pamamagitan ng sama-samang suporta ng iba’t ibang advocates, kabilang siya na tumulong sa pagtatanggol sa panukala, naging batas ito kalaunan. Ngayon, bilang mambabatas, layon ni Go na palawakin pa ang abot nito.
“Sa termino ni dating Presidente (Rodrigo) Duterte, diyan po nag-umpisa yung Free Tertiary Education Act na muntik na pong na-veto. Ayaw ng mga finance manager ng mga gastos. Pero ako mismo, isinulong natin yan,” idiniin ni Go.
“Sabi ko, huwag hindi dapat ma-veto yan dahil kailangan ng mga kababayan natin. Iyan po ang plano ko pagdating ng panahon na i-expand po. The more we should invest sa ating education dahil para sa akin ang edukasyon po ang puhunan natin sa mundong ito at dala-dala natin yan hanggang sa pagtandam,” paliwanag pa ng senador.
Bilang isa sa may-akda at co-sponsor, isinusulong ni Go ang Senate Bill No. 1360 na naglalayong palawakin ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy (TES).
Bilang dagdag na gawing mas accessible ang tertiary education, itinutulak din ni Go, chairman ng Senate committee on health and demography, ang pagpapalakas sa mental health services sa loob ng State Universities and Colleges (SUCs).
Nais niya ang pagtatayo ng mga dedikadong Mental Health Offices sa SUCs na magiging responsable sa awareness campaigns, training programs, at hiring ng karagdagang mental health professionals upang suportahan ang sikolohikal na kagalingan ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin din ng chairman ng Senate committee on sports ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng mga batang Pilipinong atleta sa pamamagitan ng de-kalidad na edukasyon.
Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng RA 11470, tumulong siya sa pagtatatag ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac. Nag-aalok ang NAS ng dual-track curriculum na nagsasama ng mga akademya sa mataas na antas ng pagsasanay sa palakasan, tumutulong sa mahuhusay na kabataan na makamit ang kanilang pangarap, kapwa sa silid-aralan at sa larangan.
“Marami tayong mga potensyal na Olympians. We can produce more gold po. Iyan po’y bagay na dapat paghandaan pa ng Pilipino. At isang paraan po yan na ilayo natin ang mga kabataan sa iligal na droga,” sabi ni Go.