Advertisers
ANG budget allocation para sa COVID-19 vaccination program ng Lungsod ng Maynila ay maaaring tumaas pa sa P1 billon.
Ito ang inanunsyo ni Mayor Isko Moreno kahapon, Lunes, Jan. 4, kasabay ng kanyang panawagan sa mga mamamayan ng Maynila na maging tapat sa kanilang boluntaryong pagsusumite ng kanilang sarili sa libreng COVID testing ng lungsod kung sila ay nagbabalik galing sa pagbabaksyon sa labas ng Maynila nitong nakaraang pista opisyal.
Humingi din ng indulhensya at pasensya si Moreno sa mga residente kung nakakakita sila ng mga lubak-lubak sa kalye dahil inutos niya na kanselahin na muna ang ilang infrastructure projects at ilipat ang budget nito sa COVID vaccination program ng lungsod.
“We have boosted our mitigation programs …our food security and vaccination programs as part of our working plan for the next six months,” pahayag ni Moreno. Nabatid na pumirma si Moreno sa isang non-disclosure agreement sa tagagawa ng bakuna na Pfizer at Astra Zeneca makaraang ang mga pag-uusap na nagsimula pa noong unang bahagi ng buwan ng Hulyo noong isang taon.
Ayon pa kay Moreno, ang dalawang kumpanya ay madaling kausap at transparent.
Pinasalamatan din ng alkalde si President Rodrigo Duterte sa inilabas nito noong nakalipas na December 1 na Executive Order 121 na nagbibigay kapangyarihan sa Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng emergency use authorization (EUA) sa inaasahang coronavirus disease 2019 (Covid-19) drugs at vaccines na magiging available sa bansa.
Samantala ay hinimok ni Moreno ang lahat ng mga nagbabalik Maynila matapos ang pagbabakasyon sa mga probinsya at sa karatig lugar sa labas ng lungsod na magpasuri o sumailalim sa COVID tests dahil libre naman aniya ito. Ito ay para na rin sa kanilang sariling kaligtasan at kapanatagan sa isip ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Certificates will be issued at magagamit din nila ito sa pagbalik sa trabaho kaya nakikiusap kami sa returnees, magkusa na lamang kayo. Para sa kaligtasan din ninyo ito”, ayon pa kay Moreno.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng nasuri na 121 na pawang nag-negatibo.
Sa proseso ng pag-susuri, ang susuriing indibidwal ay kailangang manatili sa quarantine facility habang hinihintay ang paglabas ng resulta sa loob ng 24-oras. Ang naturang facility ay kumpleto ng airconditioning units, wifi at may libre pang pagkain.
Ayon kay Moreno ay mayroong 14 quarantine facilities sa lungsod na fully functional at handang tumanggap ng mga nagnanais na magpasuri. Binigyang diin din ni Moreno na ang early detection ang susi sa mas mataas na tsansa ng paggaling at maiwasan ang pagkalat nito.
Nagbabala naman ang alkalde sa mga nagbabalik Maynila na iiwas sa pagsusuri na mahaharap sa kasong kriminal. Gayunman, sinabi ni Moreno na hindi nya nais na umabot pa sa ganito ang sitwasyon kaya naman hinihikayat niya ang lahat na makipagtulungan at sumunod sa ipinaguutos. (ANDI GARCIA)