Advertisers

Advertisers

PNP INUPAKAN SA PAGDEKLARANG ‘SOLVED’ NA ANG DACERA RAPE-SLAY CASE KAHIT WALA PANG FINDINGS!

0 318

Advertisers

INANUNSYO ng Philippine National Police na ang kaso ng flight attendant na natagpuang walang buhay noong Biyernes, Enero 1, ay “solved” na kahit hindi pa nailalabas ang medical findings.
Ang 23-anyos na flight attendant na kinilalang si Christine Angelica Dacera ay natagpuang walang malay sa bathtub ng hotel room sa Makati City nitong Bagong Taon, ayon sa kanyang mga kaibigan.
Sinabi ni Makati City Police Chief, Colonel Harold Depositar, na si Dacera ay dineklarang walang buhay sa Makati Medical Center (MMC) sanhi ng “ruptured aortic aneurysm”.
“The victim had lacerations and sperm in her genitalia,” saad sa ulat ni Depositar.
Sinabi pa ni ng hepe ng pulisya na mayroong mga galos, kalmot at pamamaga sa mga braso at hita ng dalaga.
Gayunpaman, sinabi ni Depositar na hinihintay pa ng prosecutor’s office ang autopsy findings at toxicology report kay Dacera.
Sa kabila ng kakulangan ng medical reports, inanunsyo ng PNP na ang kaso ay “solved” na at dineklarang ang flight attendant ay biktima ng “rape-slay.”
“In report to DILG Secretary Eduardo M Año, PNP Chief, Police General Debold M Sinas said the rape-slay of Christine Angelica Dacera is solved with the arrest and indictment of three suspects,” saad ng PNP Public Information Office.
Pinost din ng PNP ang pangalan ng 11 suspects na nakasama ni Dacera sa party sa hotel. Tatlo sa mga ito ay kinasuhan ng “rape with homicide”. Habang ang siyam pa ay “at large” at kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.
Sinabi ng abogado ng pamilya Dacera na si Jose Leda III sa television interview na ang mga taong nakasama ng dalaga sa party ay hindi niya kilala.
“Hindi inaasahan ng biktima… ang mga makakasama niya. She was supposed to be with friends and she was not supposed to be with strangers,” sabi ni Leda.
Samantala, sa hiwalay na posts nitong Martes, dalawa sa mga suspek na sina Valentine Rosales at Rey Englis ay nagsalita at dinenay ang mga akusasyon sa pagsangkot sa kanila sa pagkasawi ng kanilang kaibigan.
“The truth will set us all free. I don’t need your apologies when that time comes but please offer it through prayers for Tin and her family. I will never deactivate my social media kahit i-bash niyo pa ako ng i-bash,” post ni Englis sa social media.
Sa kanyang Instagram stories, nagsalita rin si Rosales: “Absurd fake and disgusting, super imbento talaga ng social media, ilabas niyo official copy ng autopsy report. Walang gumalaw kay Tine! Siya pa mismo ang nag-book ng hotel under her name. God’s the witness, truth will always prevail.”
Isang Facebook user naman ang nagsabi na kilala niya ang ibang suspects at ipinagtatanggol niya ang mga ito.
“Mahirap paniwalaan yung gang rape kasi I can attest from personal knowledge, power bottom yung ibang suspect nyo. Yung iba mas malambot pa sa gulaman,” post ni Lorenzo Bukas.
Nanawagan si Bukas sa nga otoridad na ilabas na ang autopsy report.
“The Police found a convenient distraction that will make the nation explode, kaya kahit na namatay sa aneurysm yung girl, since she was with the company of guys, ipu-push nila yung angle na gang rape, kahit naghuhumiyaw ang foundation at microbladed na kilay ng mga suspect,” post pa ni Bukas. “Try harder PNP. Labas nyo autopsy. We don’t want another injustice in seeking justice.”
Tinuligsa rin ng ilang FB user ang pulisya sa pagsabing ang kaso ay “solved” na kahit wala pang sapat na mga ebidensiya at reports. “‘Wag naman nating i-persecute altogether ang ‘innocent until proven guilty’ It hits us hard too, being viciously red-tagged by again, the PNP and AFP,” post ng FB user.