Advertisers
PINUNTIRYA ng kampo ni Bise Presidente Leni Robredo ang mga mambabatas na nagsusulong muli na amiyendahan ang Saligang Batas sa gitna ng kinakaharap na pandemya sa bansa.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni VP Robredo, kataka-taka na sa gitna ng mga hinaharap na problema ng Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic ay nagawa pa rin daw isingit ng ilang opisyal ang hindi naman napapanahong hakbang.
“It’s amazing that even as we continue to struggle with COVID-19, lost jobs, and a shrinking economy, we have “leaders” who still find ways to waste our people’s time and money.”
Kamakailan nang lumabas ang impormasyon na naghain ng resolusyon ang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado para mag-convene bilang “Constituent Assembly” ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Bago matapos ang 2020, naghain ng Resolution of Both Houses No. 2 sina Sen’s. Ronald dela Rosa at Francis Tolentino.
Kinumpirma rin ni AKO-Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, na may basbas na ni Speaker Lord Allan Velasco ang pagsisimula ng deliberasyon sa ilang probisyon ng 1987 Constitution.
Pero ayon kay Atty. Gutierrez, aksaya lang sa oras ang magiging deliberasyon ng dalawang Kongreso sa Charter Change, dahil mas maraming issue ang dapat talakayin kaugnay ng pandemya.
“Pwede bang tiyakin muna natin na magkaka-bakuna ang bawat Pilipino bago mag-aksaya na naman ng oras sa ChaCha?,” ani Gutierrez.
Una nang nilinaw ng Malakanyang na hindi suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuhay ng usapin ng ChaCha.
“The President has made it clear. Wala po siyang kahit anong kagustuhan na manatili kahit na isang minuto man lang beyond his term of office on June 30 of 2022,” ani Presidential spokesperson Harry Roque. (Josephine Patricio)