Advertisers
TULOY-TULOY sa kanyang pangako para sa maayos na kalusugan ng mga Filipino na siya ring pangarap ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbubukas ng pang-97 Malasakit Center sa bansa Sulu Provincial Hospital sa Jolo, Sulu.
Ang naturang Malasakit Center ang kauna-unahan sa Sulu pero pang-lima na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kasunod ng binuksan sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City; Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City; Datu Halun Sakilan Memorial Hospital sa Bongao, Tawi-Tawi; at Maguindanao Provincial Hospital sa Shariff Aguak, Maguindanao.
Sa kanyang pahayag, pinuri ng senador ang pagsisikap at sakripisyo ng doctors, nurses at ng hospital staff kasabay ng paalala sa mga ito na maayos na pagsilbihan ang mga pasyente nang maayos anoman ang kanilang kalagayan sa buhay.
Ang Malasakit Center ay produkto ng pinagsamang pangarap nina Pangulong Duterte at Go na ipaglaban ang kapakanan ng mga sakit sa pamamagitan ng pagbibigay ng medical assistance sa mga ito.
“Ano ba ang qualification ng Malasakit Center? Basta indigent patient ka, qualified ka. Basta Pilipino ka, qualified ka. Walang pinipili ang Malasakit Center,” ang diin ni Go.
Sinabi ni Go na palaging prayoridad ng Presidente ang kapakanan ng mahihirap kaya nga pinigil muna ng punong ehekutibo ang sana’y pagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation ngayong taon.
“Isa ako sa nakiusap at umapela kay Pangulong [Rodrigo] Duterte, sa Department of Budget and Management, at kay PhilHealth President Dante Gierran na ipagpaliban muna ang pag-increase ng contribution dahil talagang hirap ang ating mga kababayan,” ani Go.
“Hindi kami titigil ni Pangulong Duterte na labanan ang korapsyon sa gobyerno lalo na dyan sa PhilHealth. Sinabi niya na maraming matatanggal at mananagot dahil ayaw niyang may mawala ni piso na pera ng taumbayan, lalo na kung ito ay para sa kalusugan dahil para sa amin, importante ang buhay ng bawat Pilipino,” patuloy ng senador. (PFT Team)