Advertisers
Uulit-ulitin ko dear readers, ang malaking bahagi ng South China Sea (SCS),na tinatawag nating ngayong West Philippine Sea (WPS), ayon sa mapa ay nasasakop ng ating exclusive economic zone (EEZ), ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noog 2016.
Itong ating EEZ ay tinatanggap ng international community, at nakabatay sa international law.
Pero itong China, walang respeto, bastos kung ating dederetsahin ang salita, walang modo kung sa tao, kasi walang galang sa batas.
Kahit na sinasabi ng The Hague Court na atin ang WPS, panay ang pag-angkin ng China, at lagi tayong binabardagol, kung sa tao, nambabaraso, nandadarag sa isang maliit na tao.
May aral sa Biblia na ang mala-higanteng si Goliath ay tinalo ng batang si David, kaya sumampalataya lamang tayo sa katotohanang atin ang WPS, kahit mabigat ang laban, maipapanalo natin ito, hindi sa giyera kungdi sa isip at simpatya ng buong mundo.
Naniniwala ba kayo na may natitira pang kahihiyan ang magagaling na lider ng Chinese politburo?
***
Bakit nga ba L na L ang China sa alindog ng WPS natin?
Iisa ang maiisip na itawag dito, sakim, ganid o mandarambong kung tao ang China, e kaylawak na ng lupa at dagat nito, at napakayaman sa maraming mineral, bakal, tanso, ginto at iba pang yamang dagat at yamang mina sa ibabaw at ilalim ng lupa, eto at ang kokonti na atin, inaagaw pa.
Kung sa tao na masiba, bundat na ang tiyan sa kalalamon, busalsal na ang nguso sa pagnguya, nang-aagaw pa ng butong isusubo ng katabing payat na bata.
Ang gahaman ay laging pakiramdam ay ninanakawan, at iyan ang ginagawa ng China, mantakin mong nasa loob na ng ating teritoryo, inaangkin pa ang nasa ating bibig na.
Iskwater ang China, sa totoo lang, at ang lakas ng loob na magtaboy sa ating mangingisda kasi kanila raw ang Ayungin Shoal at iba pang bahura natin,
“Seagrabber” at iskwater itong China na gusto pang dagdagan ang kanilang military and naval base na sakop ng ating WPS.
Kundi tayo nagpapakita ng tapang, ay inakupo, baka matagal nang nagtayo ito ng base militar sa malapit sa Batanes para maging lunsaran ng pagsakop ng China sa Taiwan.
E bakit nga gigil na gigil, naglalaway sa kasibaan ang China sa pagkontrol sa WPS, at kita natin ang intensiyon nito, ito ay upang mas palawakin pa ang sakop at kontrol nito sa ating rehiyon sa dagat ng Asia-Pacific.
Nais ng China na kontrolin ang pagpasok at paglabas ng mga barkong komersiyal at militar sa karagatang ginagamit sa kalakalan ng mga bansa sa buong South East Asia.
Kumbaga sa North Express Way, kailangan bago ka makapasok, magbayad ka ng toll fee o kung wala kang pambayad, no way, sa ibang ruta ka dumaan.
Kumbaga sa gripo, gusto ng China, siya ang mayhawak at may kontrol kung kailan bubuksan ang suplay ng tubig, at kung gaano karami ang tubig na makukuha sa gripo.
Kung hawak ng China ang gripo, hawak niya ang buhay at kamatayan ng mga bansang tatanggi na magbayad ng suplay ng tubig.
Isa pang malaking dahilan kaya gahamang-gahaman ang China sa SCS o WPS, kasi sa ilalim ng karagatang ito, nakaimbak ang bilyon-bilyong bariles na mina ng langis at natural gas.
***
Isa pang matinding dahilan kaya takam na takam ang Beijing dahil sa karagatan natin, super dami ang kayamanang mineral at deposito ng langis at natural gas sa WPS,
Ayon sa pag-aaral ng mga experto, mahigit sa 11 bilyong bariles ng langis at 5.4 trilyong kubiko metrong natural gas ang nasa ating WPS.
Imbes na ligawan tayo, kung sa babae, ang gusto ng Beijing ay gahasain, i-rape ang magandang binibining Perlas ng Silangan.
Paano mo mamahalin ang lalaking manliligaw kung ang intensiyon ay hindi ka mahalin kungdi ang ikaw ay pagsamantalahan lamang, at ito ang ipinakikitang intensiyon ng China sa buong mundo.
Ang realidad, sa kabila ng matayog na pag-angat ng ekonomya at lakas militar ng China, kapos ito na mapakain ang mahigit sa 2 bilyong populasyon nito sa Mainland China at hihigit pa rito kung isasama ang HK at Taiwan.
Kailangan nitong mag-import ng pagkain at iba pang kailangan sa Mainland, kaya ang karagatang atin at inaangkin at kinakanyon ng tubig, binabangga at hina-harass ng China ang ating mangingisdang Pinoy.
Kung sa batang Pinoy na payat, ang isusubong isda at kanin ay pwersahang inaagaw sa bibig ng mala-buldog na laki ng batang Chinese.
Ganyan ang larawan at karikaturang makikita kung ipipinta sa canvas ang pangdadarag ng gahamang China!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.