Advertisers
SA kanyang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, July 28, diretsahang pinatamaan ni Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga tiwaling opisyal, politiko at kontraktor sa mga depektibo at multong mga proyekto partikular ang flood control.
“Huwag na tayong magkunwari. Alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto… Sa mga nakikipagsabwatan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino,” diin ng Pangulo.
Palakpakan naman ang mga opisyal kasama ang mga mambabatas, na tila naghuhugas-kamay sa kanilang mga kalokohan sa paghawak sa pondo ng publiko.
Puna nga ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga mambabatas na todo todo ang pagpapalakpak: “Sino ba ang namimili ng kanilang mga district engineer? Sino ba ang namimili ng regional director? Bakit ang kongresista ang namimili, hindi yung secretary ng DPWH? Ibig sabihin may conspiracy.”
“Panoorin ko nalang in the next few days kung talagang gagawin ng Pangulo ‘yung kanyang nabanggit,” tirada pa ng dating Police General na naging politiko sa panayam ni Ted Failon.
Inakusahan niya ang ilang kongresista ng pakikipagbwatan sa control projects allocations, pinapaboran ang dikit na kontraktor, at kumuha ng porsiyento mula sa proyekto. Mismo!
Sa kanyang SONA, inatasan ni PBBM ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ibigay sa kanya ang listahan ng flood control projects simula 2022 ng kanyang termino.
Aniya, nakikita niya ang mga depektibong flood control at ang iba wala talaga, hindi nagawa pero naglaho ang pondo. Dapat aniyang managot ang mga nasa likod ng mga katiwaliang ito. Dapat talaga, Mr. President!
Sana hindi ito ningas kogon lamang…
***
Binanggit din ni PBBM ang “madilim na mundo ng mga sabungan”.
Sinisiguro niyang hahabulin at papanagutin sa batas ang nga utak at mga sangkot, sibilyan man o opisyal na nasa likod ng missing sabungeros.
Matatandaan na ibinunyag ng tumatayong testigo na si alyas “Totoy” (Julie Patidongan), ang dating chief security ni Charlie “Atong” Ang, na ang huli ang nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa naturang mga sabungero dahil sa “pangtso-tsope” ng mga biktima sa mga sabungan ni Atong.
Gumugulong na ang imbestigasyon sa kasong ito. Subaybayan!
***
Inanunsyo nitong Martes ni Senate President Chiz Escudero na magpapasa siya ng panukala na magbabawal sa kaanak ng opisyal hanggang 4th degree na pumasok sa pangongontrata sa govt. projects.
Ayos! bumabawi si Chiz!!!
Pero ang mga politiko ay ubod ng tutuso. Kung magiging bawal na sa kanilang kaanak ang pagpasok sa govt. projects, dyan naman si “kumpare” para maging dummy. Mismo!
Anyway, let’s see!