Advertisers
LAGUNA – Apat na lalaking umano’y mga miyembro ng “Alon Alon drug group” ang pinagbabaril-patay ng walong armadong lalaki sa loob ng isang auto shop sa Barangay San Vicente, Binan, Linggo ng hatinggabi.
Sa ulat ni Police Lt. Col. Giovanni Martinez, hepe ng Binan Police, kay Laguna Provincial Director Col. Serafin Petalio II, kabilang sa mga napatay ang lider ng drug group na si James Anthony Alon Alon, 40, ng Bgy. De la Paz;Jason Mangahis, 43, ng Bgy. Macabling, Sta. Rosa City; at magkapatid na Custer at Carlo Tanael, kapwa residente ng Bgy. San Vicente.
Ayon kay Martinez, 11:45 ng gabi nang pasukin ng mga armadong lalaki ang shop kungsaan nagpapahinga na ang grupo ni Alon Alon at pinagbabaril.
Mabilis na tumakas ang mga salarin lulan ng hindi batid na sasakyan.
Dinala pa sa Ospital ng Binan ang grupo ni Alon Alon ngunit dineklarang ‘dead on arrival’.
Nabatid na si Alon Alon ay dati nang naaresto at napiit sa lungsod ng Sta. Rosa noong 2018 dahil sa droga pero nagawa nitong makalaya makalipas ang ilang buwan.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen. (Dick Garay)