Advertisers
Inirekomenda ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha ng isang task force na siyang tututok sa pagsisiyasat sa mga alegasyon ng katiwalian ng umano’y mafia sa Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth).
Ayon kay Go, maaaring ang Department of Justice ang atasang bumuo ng task force at tutulungan ito ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit at ng Office of the Executive Secretary.
Anang senador, pupuwede ring isama sa task force ang Presidential Anti-Corruption Commission para makatulong sa pagsisiyasat.
Nauna rito, sinabi ni PACC chief Greco Belgica na inirekomenda na ng komisyon sa Office of the President ang pagsibak at pagsasampa ng kasong kriminal sa 36 PhilHealth officials.
Nagsasagawa naman ang Senado at Kamara de Representante ng magkahiwalay na imbestigasyon sa ilang corruption allegations na ipinupukol sa mga opisyal ng PhilHealth.
“Exhausted na po ang ating Pangulo pero hindi po siya titigil na labanan ang corruption until the last day of his term. Umabot na sa punto na sinabihan niya ako “to talk like an opposition” kapag corruption na ang pinag-uusapan. Hindi siya nagpapapigil at wala siyang pinipili, kakampi man o kalaban. Basta corruption ang isyu, hihiritan at tutuluyan ka niya,” ani Go.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang senador na sa kabila ng serye ng pagsisiyasat ng Senado sa mga anomalya sa ahensiya ay nagpapatuloy pa rin ang mga alegasyon ng katiwalian sa state-run insurance company.
“Itong isyu sa PhilHealth, halos taon taon na ito iniimbestigahan ng Senado. Nakailang palit na rin tayo ng liderato, pang-apat na PhilHealth President na ito at nagkaroon na rin ng board revamp pero mukhang nasa loob ng ahensya at sa baba talaga ang problema,” ani Go.
Sinabi ni Go na sa kabila ng pagsisikap na maireporma ang PhilHealth, nangyayari pa rin ang sistematikong korapsyon sa organisasyon.
“We cannot simply rely on its leadership to cleanse its ranks. We need a ‘whole-of-government’ approach through a Task Force that has enough ‘teeth’ to investigate, audit, prosecute, file charges and put in jail those responsible for these anomalies,”sabi ng senador.
Naniniwala si Go na sa pamamagitan ng itatatag na task force na siyang aatasang maglinis sa hanay ng mga opisyal at tauhan ng ahensiya ay mapipigil ng pamahalaan ang posibleng pagkalugi nito.
“Huwag naman nating hayaang tuluyang mamatay ang PhilHealth sa panahon na kailangan ng taumbayan ng maayos na serbisyong pangkalusugan. Naniniwala akong meron pa naman diyan na gusto talagang magsilbi with all honesty and integrity kaya hindi ako nawawalan ng pag-asa. Kailangan lang talaga ng mabisang gamot na tatalab talaga upang matanggal ang mga masasamang loob na sumisira sa PhilHealth,” ang sabi pa ng mambabatas. (PFT Team)