Nang humiling ng kapatid… Yasmien umampon na lang ng aso para sa anak; Paulo binuking na makakapareha si Janine sa Dos
Advertisers
Ni WALLY PERATA
WALA pa mang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Janine Gutierrez kung ganap na ba siyang Kapamilya o may nakatakdang pirmahan na ng kontrata, para kay Paulo Avelino, isa nang Kapamilya si Janine.
Tila inunahan na ni Paulo ang announcement ni Janine sa tsikang paglipat sa Kapamilya Network. Hindi nga naiwasan na ni Paulo ang sarili nang masambit ang katagang ‘It’s with our newest Kapamilya, Janine Gutierrez’ sa isang informal congratulatory dinner na handog ng Kapamilya Network para sa actor sa matagumpay na pelikula nitong ‘Fan Girl.’
Kasama ni Paulo ang kanilang manager ni Janine na si Leo Dominguez ganundin ang ilang matataas na opisyales ng ABS-CBN 2. Sa naturang dinner ay napag-usapan ang isa pang pelikulang natapos ni Paulo bago pa man lumaganap ang pandemic sa bansa, ang “Ngayon Kaya” na naurong ang showing.
At ngayon na tagumpay ang official entry movie ni Paulo nitong nakaraang MMFF 2020, ang “Fan Girl” na humakot ng katakut-takot na awards at ang pelikula pa rin ni Paulo ang naging runaway winner sa takilya.
Kaya kahit paano ay nabigyan ng playdate ang bago niyang movie at ang target release date ay ngayong parating na 2021 Summer Metro Manila Film Festival, na kung matatandaan ay dapat din sa 2020 Summer MMFF ipalalabas.
Nang matanong nga si Paulo kung sino ang kanyang leading lady sa “Ngayon Kaya,” walang abog na sinabi ni Paulo na ‘It’s with our newest Kapamilya, Janine Gutierrez’.
Sa ngayon ay abala pa rin si Paulo sa serye niya sa ABS-CBN 2 drama na “Walang Hanggang Paalam.”
***
SHOOKT daw ang byuti ni Yasmien Kurdi nang minsan na kausapin siya ng kanyang unica hija na si Ayesha, isang lambing ang hiling ng anak sa kanya na kinagulat niya, na magkaroon na raw siya ng kapatid para may kalaro na.
Dahil nga sa quarantine ay hindi nakalabas ng kanilang tahanan ang anak at dito nga pumasok sa isipan ni Ayesha na magkaroon na ng kapatid.
Sa ngayon kasi para kay Yasmien ay hindi na muna nila iniisip ng mister na magkaroon pa ulit ng anak. Bunsod na rin na pareho silang nawalan ng trabaho. Naging matumal kay Yasmien ang mga proyekto sa showbiz at ang kanyang mister na isang piloto ay nawalan ng trabaho dahil ban sa ngayon ang mga international flight at bilang lang ang mga byahe ng eroplano.
Para hindi malungkot ang kanilang unica hija ay naisipan ng mag-asawa na mag-adopt ng isang aso. Naaliw ang anak sa bagong kalaro at tila nalimutan na rin nito ang hiling na kapatid. Bukod kay Ayesha, aminado rin ang actress na maging sila ng mister ay naaliw sa kanilang bagong member ng tahanan.