Advertisers
SA kabila ng mga matinding pagsubok bunsod ng patuloy na banta ng pandemya, nananatiling matatag ang estado ng bayan ng Taytay, batay sa talaang inilabas ng Commission on Audit.
Sa pinakahuling Annual Financial Report (AFR) for Local Government, ika-apat na pinakamatatag ang Taytay sa talaan ng 1,489 munisipalidad para sa taon 2019. Lumalabas na nakapagtala ang pamahalaang bayan ng tumataginting na P1.16 bilyong total revenue.
Bunsod nito, kinilala ng COA ang Taytay sa aspeto ng husay nito sa larangan ng paghimok at pagpapayabong ng negosyo kungsaan nagmula ang malaking bahagi ng nasabing pananalapi.
Sa isang pahayag, minarapat ni Taytay Mayor Joric Gacula na igawad ang pagkilala ng COA sa sigasig ng mga kawani ng local na pamahalaan at maging sa mga negosyanteng patuloy na naniniwala sa potensiyal ng Taytay, na higit na kilala ngayon bilang ‘garments capital’ ng bansa.
Bukod sa pagiging garments capital ng bansa, kilala rin ang Taytay na isa sa mga pinakamainam na lugar para sa negosyo lalo pa’t hindi ito kalayuan sa National Capital Region. Bentahe rin ng nasabing bayan ang umiiral na economic policy ng munisipalidad, manggagawang may angkop na klasipikasyon at kakayahan para sa iba’t ibang uri ng trabaho, mainam na imprastraktura, komunikasyon at ang umiiral na peace and order.
Kasabay nito, hinikayat ng alkalde ang mga namumuhunan na patuloy na magtiwala sa kakayahan ng kanilang bayan na mapanatili ang investor-friendly business climate sa kanilang lokalidad.
Kaugnay nito, nasa ikalawang puwesto naman ang lalawigan ng Rizal sa listahan ng pinakamatatag na lalawigan sa buong bansa. Nakapagtala ang lalawigan ng 5.52 billion total revenue at P20.275 billion total assets para sa nasabi ring taon.