Advertisers
INIHAYAG ni Senator Bong Go na bukod sa COVID-19, nakakamatay rin ang mga kumakalat na maling balita ukol sa pagbabakuna laban sa naturang virus lalo kung matatakot at iiwasan ito ng publiko.
Kaya naman sinabi ni Sen. Go na kung gusto talaga ng gobyerno na magkaroon ng kumpiyansa ang tao sa bakuna, kailangan nilang maintindihan kung ano ito at ano ang plano ng pamahalaan ukol dito. Linawin din aniya dapat ang mga isyu tungkol sa mga binibiling bakuna ng gobyerno.
“Bukod po sa COVID-19, mukhang nakakabahala po ang lantarang pagkawala ng tiwala sa solusyon — which is to provide sufficient, safe, and effective vaccines,” ani Go.
Idiniin ng senador na hindi pa po tapos ang laban sa virus kaya dapat siguruhing mananaig ang bansa.
Sinabi niya na nag-iisa lang ang sandata upang tuluyang magupo ang COVID-19 at iyan ay ang COVID-19 vaccine.
“Napakahalaga ng papel ng bakuna sa ating recovery mula sa kasalukuyang pandemya. Ito po ang magiging susi upang makabalik ang pamumuhay natin sa normal. Kaya naman napakalaking bagay ng vaccine roadmap at tamang implementasyon nito,” ayon sa mambabatas.
Gayunpaman, sinabi ni Go na sa tingin niya ay nagkukulang ang mga kinauukulan sa information dissemination campaigns o awareness information plan, hindi lamang para masiguro ang tuluy-tuloy na kooperasyon ng mga Pilipino, kundi pati na rin para panatagin ang isip ng publiko na hindi natutulog ang ating gobyerno upang mabigyan sila ng ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19.
“Importante po na maintindihan ang ating vaccination plan, lalo na ng priority population. Ilatag natin sa kanila ngayon pa lang ang buong proseso. Hindi lang naman ito usapin ng pagkakaroon ng bakuna. Kailangang paghandaan din po ang storage, logistics and transportation ng mga bakunang ito. Dapat ngayon pa lang ay nakikipag-usap na tayo sa logistics companies para dito,” giit ni Go.
Ani Go, ma mga taong hindi alam saan pupunta at ni hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng vaccine.
“Huwag nating pabayaan ang mga mahihirap, ‘yung mga walang pambili, mga “no read no write”. Sila ang kailangan lumabas at magtrabaho upang buhayin ang mga pamilya nila – ito po ‘yung mga “isang kahig, isang tuka”. No Filipino should be left behind in our road towards recovery. Pantay-pantay po dapat ang access at hindi lamang ang may kaya sa buhay ang dapat makakakuha ng vaccine na ito,” ayon sa senador.
Sinabi ng senador na malaki ang tiwala niya na ginagawa ng gobyerno ang lahat para magkaroon ng ligtas, epektibo at aprubadong vaccine para sa mga Pilipino. (PFT Team)