Advertisers
NANAWAGAN ng tulong si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga residente ng lungsod na tukuyin ang mga lugar kung saan mas marami ang gustong magpabakuna upang magsilbing gabay ng pamahalaang lungsod kung saan dadalhin ang bakuna kontra COVID-19, sakaling dumating na ito.
Ito, ayon kay Moreno ay madaling magagawa sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon sa proseso ng pagrerehistro ng mga taong gusto ng libreng bakuna. Ang online registration ay inilunsad bago pa mag-Bagong Taon.
“Hinihikayat ko kayo na mag-parehistro kung kayo ay interesado sa bakuna. If registered na kayo, magkakaroon kami ng datos kung saang area maraming gusto at madali nang mailulunsad ang vaccination pagdating ng bakuna,” sabi ni Moreno.
Tiniyak ni Moreno na ang lahat ng mga mababakunahan ay bibigyan ng identification card o ‘COVID passport’ na maari nilang magamit sakaling gusto nilang bumiyahe, bilang katibayan na nakatanggap na sila ng first at second dose ng bakuna.
Matatandaan na ang pre-registration para sa mga nais ng libreng bakuna ay inilunsad ni Moreno noong December 31 nang nakaraang taon.
Sa pamamagitan ng pagrerehistro sa manilacovid19vaccine.com, sinabi ni Moreno na ang proseso ng pagbabakuna ay magiging maiksi at tatagal lang ng limang minuto. Habang ang mga non-registrants na tatanggapin sa pamamagitan ng walk-ins ay gugugol ng mas mahabang oras dahil kailangan pang kunin ang lahat ng mahahalagang detalye o impormasyon bago tuluyang makapagpabakuna.
Ayon kay Moreno, ang COVID vaccines na binili ng city government ng Maynila pinakamaagang darating sa Marso at Setyembre naman ang pinakamatagal. At habang naghihintay sa pagdating ng bakuna, siya at si Vice Mayor Honey Lacuna ay naghahanda sa pinaka-pangit na sitwasyon na maaring maganap at gumagawa ng lahat ng paraan upang mapababa kung hindi man maging zero ang kaso ng COVID sa lungsod.
Sa kasalukuyan, ang occupancy rate para sa COVID-19 sa anim na ospital ng lungsod ay nasa 21 percent. (ANDI GARCIA)