Advertisers
PINURI at pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba sa pondo para sa World Health Organization Solidarity Vaccine Trial laban sa COVID-19.
“Suportado ko po at kinokomendahan ang desisyon ng Pangulo na paglaanan ng dagdag na pondo ang solidarity vaccine trial na gagawin sa ating bansa,” ani Go.
“Parte po ito ng commitment ng Pilipinas sa buong mundo na masiguro na ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa COVID-19. Nakikiisa tayo sa mas malawak na bayanihan efforts kasama ang international community upang labanan ang kasalukuyang pandemya,” dagdag ng senador.
Batay sa Inter-Agency Task Force Resolution No. 47, may petsang June 19, 2020, ang Pilipinas ay kabilang sa WHO Solidarity Vaccine Trial bilang bahagi ng commitment ng bansa na maging available ang COVID-19 vaccines sa mabilis na panahon.
Tinukoy ng WHO ang Pilipinas at Colombia bilang mga bansang nakahandang magsagawa ng trial sa kalagitnaan ng Enero 2021.
Aprubado na ng Department of Science and Technology at Department of Health ang research grant na nagkakahalagang P89.1 million at P9.6 million, ayon sa pagkakasunod, para sa vaccine trial sa may 4,000 participants.
Gayunman, nabatid na ang participants sa Pilipinas ay aabot sa 15,000 volunteers.
Ang COVID-19 vaccine clinical trials ay hahatiin sa tatlong phase. Ang Phase I ng testing ng bakuna ay gagawin sa may 100 participants. Ang Phase II ay kabibilangan ng testing ng vaccines para sa initial safety at dosage studies sa 100 hanggang 1,000 participants, habang ang Phase III ay ukol sa efficacy at long-term safety studies sa hanggang 30,000 participants, sa iba’t ibang etniko. Ang WHO Solidarity Vaccine Trial ay ikinokonsidera sa ilalim ng Phase 3.
Nabatid na ang DOST ang magsisilbing funding agency para sa research grant ng trials na isasagawa ng University of the Philippines-Philippine General Hospital.
Ang Technical Working Group ng COVID-19 Clinical Trial ay lilikhain para mag-evaluate ng pre-clinical, Phase I, and Phase II clinical trial data ng mga kandidato sa bakuna.
Magbibigay naman ng gabay ang DOH sa vaccine teams sa implementasyon ng clinical trials na siyang mandato nito sa immunization programs.
Bukod sa Solidarity Vaccine Trial, pinayagan ng Piliinas ang Sinovac Biotech, Ltd. na maglunsad ng clinical trials.
Ang Sinovac ang ikatlong kompanya na nakakuha ng clearance para sa Phase III trials sa bansa, bukod sa Clover Biopharmaceuticals at Janssen Pharmaceuticals.
Ipinaalala ni Sen. Go sa DOH na kapag mayroon nang ligtas at epektibong bakuna ay dapat na unahin ang mahihirap at vulnerable sectors. (PFT Team)