Advertisers
UMAPELA Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na irekonsidera ang nauna nitong desisyon na luwagan ang age restrictions sa mga modified general community quarantine areas simula sa Pebrero 1.
“Huwag muna tayo magkumpyansa, lalo na pagdating sa kalusugan ng mga kabataan dahil delikado pa po. Responsibilidad nating proteksyunan sila. Sa lahat ng desisyon natin, isaalang-alang natin palagi ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino,” ayon kay Go.
“Kung hindi naman kailangan, huwag na muna payagang lumabas ng bahay ang mga bata dahil delikado pa po. Kung magluluwag tayo ng patakaran ngayon tapos tataas nanaman ang kaso, mas mahihirapan po tayo,” iginiit ni Go.
Naalarma si Go sa desisyon ng IATF lalo’t ang 16 kaso ng U.K. COVID-19 variant sa bansa ay nasa edad 18 pababa.
“Dahil po sa balitang meron pong sixteen new cases ng new variant dito sa ating bansa, (most recently) yung sa Mountain Province, umaapela ako sa ating IATF na pag-aralan muli ang pagpayag na lumabas ang edad 10 at pataas dahil delikado pa po ang ating sitwasyon ngayon at hindi pa po tayo pwedeng maging kumpiyansa,” sabi ni Go sa IATF.
Ayon naman sa Department of Health, ang bagong age limit na inirekomenda ng IATF economic cluster ay upang masimulan ang pagbangon ng ekonomiya at mabalanse ito.
Hiniling naman ng DOH sa LGUs na maayos na iimplementa o ipatupad ang health protocols para hindi na kumalat ang COVID-19, gaya ng pagsusuot ng masks at face shields, physical distancing at hand washing.
Iginiit din ni Sen. Go sa mga awtoridad na paigtingin pa ang enforcement ng health protocols, partikular sa mga pampublikong lugar.
“Paigtingin pa natin ang ating health protocols. Mag-ingat tayo. Sumunod tayo sa ating gobyerno. Magsuot palagi ng mask at face shield, mag-social distancing, maghugas ng ating kamay, at huwag na muna lumabas ng bahay kung hindi naman kailangan,” ani Go.
“Habang sinisigurado ng ating gobyerno na magkakaroon ng sapat, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat, konting tiis lang po. Patuloy po tayong mag-ingat. Ang simpleng mga patakarang ito, kung susundin, ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino,” paalala niya. (PFT Team)