Advertisers
ISANG lalaki ang binangga, ninakawan at pinagsasaksak ng mga lalaking sakay ng tricycle sa may Vicente Cruz, Manila nitong Biyernes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang mag-isang naglalakad mula sa kaniyang trabaho si alyas “John” 3:00 ng madaling araw nitong Biyernes sa kahabaan ng Vicente Cruz Street nang bigla siyang banggain ng isang tricycle.
Nang bumagsak sa kalsada ang biktima, bumaba ang dalawang sakay ng tricycle hindi para tumulong kundi upang magdeklara ng holdup at kunin ang kaniyang bag.
Kita sa CCTV kung paano nakipag-agawan ang biktima sa mga holdaper, dahilan para maglabas ng patalim ang isa sa mga holdaper at undayan siya ng saksak.
Tinangka ring habulin ng biktima ang mga holdaper hanggang sa makaladkad siya ng tricycle. Ilang tanod at residente ang tumulong sa paghahabol pero nakatakas parin ang mga salarin.
Ang biktima ay nagtamo ng maraming sugat sa katawan at natanggalan pa ng dalawang ngipin. Aniya, dalawang buwan palang ang kaniyang mamahaling cellphone kaya siya nanlaban sa mga holdaper.
Nakaligtas ang biktima sa tulong ng mga tauhan ng Barangay 488.
Naaresto nitong weekend ang isa sa mga holdaper na kinilalang si Harris Hogan, 23, ng Tondo. Positibo siyang kinilala ng biktima.
Ayon sa pulisya, inamin ni Hogan na siya ang nag-drive ng tricycle na bumangga sa biktima.
Nahaharap si Hogan sa kasong robbery with frustrated homicide.
(Jocelyn Domenden)