Advertisers
MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa concerned authorities na tiyakin na kapag may sapat, ligtas at epektibo nang supply ng COVID-19 vaccines ay dapat mauna sa mga babakunahan ang mahihirap o ang “isang kahig, isang tuka”.
“Mahalaga na makakaabot ang mga bakunang ito sa mga pinakanangangailangan na dapat makatanggap. May mga taong hindi alam kung saan pupunta at ni hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng vaccine… Sila ang kailangan lumabas at magtrabaho upang buhayin ang pamilya nila. Sila ang mga isang kahig, isang tuka,” ayon kay Sen. Go.
Sinabi ng senador na target ng pamahalaan na mabakunahan ngayong 2021 ang kalahati ng populasyon ng bansa.
Ayon kay Finance Secretary Carlos G. Dominguez III, mga nasa 57 hanggang 60 million ng Filipino ang inaasahang makatatanggap ng bakuna mula sa gobyerno.
Bukod pa ito sa tinatayang 10 million hanggang 13 million na babakunahan ng local government units at ng private sector.
Iginiit ni Go na dapat ma-meet ng pamahalaan ang target nito sa napagkasunduang time frame habang nireresolba ang logistical challenges na kinakaharap sa rollout, partikular sa mga lugar na kakaunti ang healthcare facilities at workers.
Kapag maayos itong naisakatuparan aniya, malaking tulong ito upang mapalakas na ang ating ekonomiya na siyang tugon para maibsan na ang kagutuman sa maraming komunidad.
“’Pag magbubukas na tayo, makakabalik na po ang mga kababayan natin unti-unti sa kanilang mga trabaho. Kaya nga po sa ngayon, ‘yon ang inuunang tutukan ng ating mga finance managers, ‘yung hunger (rate) — from thirty-one [percent], I think, bumaba sa sixteen [percent]. Dapat pa po itong bumaba at dapat po walang magugutom na Pilipino,” sabi ng senador.
“Kaya binabalanse ng ating mahal na Pangulo [Rodrigo Duterte] ang lahat. Lalung-lalo na po ‘yung mga talagang apektado at ‘yung mga nawalan ng trabaho. Iyon po ang inuuna ng ating gobyerno. Ina-address ngayon kung ano pong puwedeng maitulong,” dagdag niya. (PFT Team)