Advertisers
“ISA lang ang tagubilin ko… ayaw kong pamahayan ng mga kriminal ang Maynila.”
Ito ang mensahe ni Mayor Isko Moreno sa mga opisyal at myembro ng Manila Police District (MPD), kung saan ang papel na ginagampanan sa pandemya ay kanilang pinapurihan ni Vice Mayor Honey Lacuna.
Sa kanyang talumpati sa ika-120 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Manila Police District sa headquarters nito sa UN Avenue, sinabi ni Moreno na: “After one year and six months as mayor, with the help of Vice Mayor Honey Lacuna, I continue to believe and to be proud of the MPD,” kasabay nito ay pinanawagan niya sa mga kababaihan at kalalakihan ng MPD na ituloy ang ginagawang pagtulong sa kanila ni Lacuna sa kanilang hakbangin na maitaguyod ang payapa at masiglang lungsod at nasasakupan nito.
“One thing is for sure… Vice Mayor Honey and I can’t do it alone,” sabi ng alkalde patungkol sa pagpapatupad ng mga city ordinances, partikular ang mga may kinalaman sa COVID tulad ng pagbabawal uminom sa mga publikong lugar at ang mandatory health protocols gayundin ang lockdowns.
Pinuri din ng alkalde ang mga kapulisan ng MPD sa kanila pasensya at tyaga sa pagtugis ng mga criminal elements sa lungsod habang tumutugon sa kanilang tungkulin bilang mga frontliners sa gitna ng pandemic.
Ayon pa sa alkalde sa mga naaresto at natugis na mga kriminal ay 95 porsyento dito ay ay nabigyan na ng hustisya ang kanilang mga ginawang krimen habang ang iba naman ay dinidinig na ang kaso at hinihintay na lamang ang desisyon ng korte.
Minsan pa ay nanawagan si Moreno sa mga kriminal at pugante na iwasan na ang Maynila dahil tutugisin at hahanapin kayo dito sa lungsod saan man kayo magtago, dahil nais ng alkalde na maging mapayapa ang buhay ng mga mamamayan ng lungsod nang walang umaaligid na kriminal sa paligid.
Sinabihan din ni Moreno ang mga miyembro ng MPD na kailangan ng pamahalaang lungsod ang kanilang tulong para sa nalalapit na pagbabakuna kontra COVID-19.
“Mahaba-haba pa ang laban pero habang kinakaharap natin ang pandemya, katulong namin kayo sa pagpapatupad ng protocols at laban sa mga maaring mag-take advantage sa sitwasyon,” pahayag ng alkalde.
Samantala ay pinangunahan ni Moreno at Lacuna, kabilang si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan ang ikalawamg simulation ng mass vaccination program ng lungsod na ginawa sa Isabelo delos Reyes Elementary School sa Tondo.
Umabot sa may 1,000 kliyente ang lumahok sa simulation kung saan base sa records ang Tondo ay laging kasama sa top three areas sa lungsod na may mataas na kaso ng COVID. (ANDI GARCIA)