Advertisers
MAY bagong modus ang isang kawatan sa Mandaluyong City.
Sa report, oorder ito ng mamahaling cellphone sa online seller at kapag dumating na ang produkto sa bahay saka ito itatakbo.
Sa kabila nito, timbog ang madulas na kawatan na kinilalang si Niño Maranan Bautista sa ikinasang bitag ng mga awtoridad.
Sa operasyon, nagpanggap na delivery man ang isang pulis at idiniliber kay Bautista ang inorder na mamahaling cellphone. Nagdahilan para umalis ang suspek at dito na ito tinangay ang produkto.
Ang hindi alam ng suspek ay may nakaabang nang operatiba sa lugar kaya agad ito nasakote kasama ang kasabwat daw nitong si Malawi Panindigan.
Nag-ugat ang entrapment operation sa isang sumbong ng biktima na natangayan ng P68,000 halaga ng cellphone sa ginawang modus ng suspek.
Ayon sa biktima, nagbigay si Bautista ng address ng bahay na kanya umanong ipinagagawa at ipinagmalaki pa sa naghatid na biktima.
Nang hingan na ng pambayad ay nagkunwari ang suspek na tatawagin lang ang kapatid saka umeskapo.
Makalipas ang ilang saglit na hindi pagbalik ng suspek ay nagtanong na ang biktima.
“Sabi po nu’ng nagtratrabaho hindi daw po nila kilala. Nag-inquire lang po ng bahay. Doon na po ako nanlumo na, wala na po, nakuha na po yung cellphone,” ayon sa biktima.
Ayon kay Mandaluyong Police chief , Lieutenant Colonel Gauvin Unos, nagtagumpay ang isinagawang pain sa suspek nang umulit pa ito sa pag-order ng cellphone.
Naisahan siya ng biktima matapos na gumamit naman ito ng ibang Facebook page.
“’Yung unang Facebook page doon siya nabiktima. Nu’ng pagbukas niya sa pangalawang Facebook page niya, nag-order ulit ‘yung buyer na ‘yon. Akala niya na makaisa ulit siya,” ani Unos. (Gaynor Bonilla)