Advertisers
HAWAK rehas ang 30-anyos lalaki na binansagang “Ogag” ng mahulihan ito ng baril at nagtaka tumakas sa “Oplan Sita” ng awtoridad sa Olalia Road, Antipolo City Abril 11, kahapon.
Base sa ulat ng pulisya, lulan ang suspek ng kulay berdeng Yamaha Mio na walang plaka kaya ito pinahinto ng mga operatiba.
Sa halip na huminto, tinangka nitong tumakas nang mabigong magpakita ng driver’s license at rehistro ng sasakyan.
Nagkaroon ng maikling habulan sa lugar hanggang sa makorner ang suspek sa tulong ng isang concerned citizen.
Tinangkang manlaban at nagpakita ng agresyon si “Ogag,” mabilis siyang nakontrol o napasuko ng mga pulis.
Gayunpaman, nakatakas ang back rider nito na kasalukuyan nang pinaghahanap.
Nakumpiska sa suspek ang kalibre 45 baril na may Serial #1963275, isang magazine na may 7 bala at Yamaha Mio na walang plaka.
Dinala ang suspek sa Antipolo City Hospital System Annex III para sa medical examination bago tuluyang ipinasok sa Custodial Facility ng PCP2.
Nahaharap ang suspek sa kasong RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 10054 (Motorcycle Helmet Act), RA 4136 (Driving Without License) at Resistance and Disobedience to a Person in Authority (Article 151 ng Revised Penal Code). (Edwin Moreno)