Advertisers
INAASAHANG mas mapapagaan na ang pasaning pinansyal ng mga Pilipinong mayroong malulubhang karamdaman matapos pormal na ilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pinakabagong listahan ng mga gamot na hindi na papatawan ng Value-Added Tax o VAT.
Sa pamamagitan ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 27-2026 na inisyu noong Abril 8, 2026, idineklara ng kawanihan na VAT-exempt ang nasa 2,263 na mga gamot na nauna nang inaprubahan at inendorso ng Food and Drug Administration (FDA) ng Department of Health (DOH).
Batay sa breakdown ng ahensya, ang pinakamalaking bahagi ng listahan ay nakalaan para sa mga pasyenteng may kanser na umabot sa 702 uri ng gamot.
Sinundan ito ng 535 na gamot para sa hypertension; 327 para sa diabetes; 300 para sa mental illness; 171 para sa mataas na cholesterol; 152 para sa sakit sa bato; at 76 para sa tuberculosis.
Ang naturang tax exemption ay ipinapatupad alinsunod sa mga probisyong nakasaad sa Republic Act No. 10963 o ang TRAIN Law, at Republic Act No. 11534 o ang CREATE Act.