Advertisers
NIRATIPIKAHAN na ng Senado ang Bicameral Conference Committee report tungkol sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill.
Ayon sa sponsor ng panukala na si Senate Ways and Means Committee Chairperson Pia Cayetano, kabilang sa key features ng bicam-approved CREATE bill ay ang mas pinababang corporate income tax, na mula 30 percent ay gagawing 20 percent para sa mga small and medium corporations, at 25 percent naman para sa iba pang mga korporasyon.
Papababain din ang percentage tax mula 3 percent sa 1 percent, para sa mga maliliit na negosyong may kitang hindi hihigit ng P3 million, at mas papababain ang minimum corporate income tax mula 2 percent sa 1 percent.
Nakapaloob din dito ang magiging VAT-free ng mga ibebenta at iaangkat na gamot at bakuna sa COVID-19, medical devices at personal protective equipment (PPE) hanggang December 2023.
Hindi rin papatawan ng VAT (value added tax) ang mga gamot para sa cancer, mental illness, tuberculosis, at sakit sa kidney.
Babawasan din ang preferential tax rates ng mga non-profit hospitals at educational institutions, mula 10 percent sa 1 percent na lamang simula ngayong July 2021.
Matatandaang ang CREATE bill, ay isa sa mga panukala na sertipikadong ‘urgent’ ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Mylene Alfonso)