Advertisers

Advertisers

ONLINE CAMPAIGN SA ELECTION 2022 MAHAL, NAKAKABAHALA

0 298

Advertisers

NANAWAGAN si House Deputy Minority Leader Carlo Isagani Zarate sa Comelec na masusing pag-aralan ang posibilidad na ipagbawal ang face-to-face campaign para sa halalan sa 2022.
Sinabi ito ni Zarate matapos ipahayag kamakailan ni Comelec spokesperson James Jimenez na maaring online na lamang isasagawa ang pangangampanya ng mga kandi-dato sa susunod na taon.
Pero sakali mang matuloy ito, sinabi ni Zarate na tanging ang mga mayayaman na kandidato lamang ang makikinabang, habang mapagkakaitan naman ng pagkakataon ang mga mahihirap.
Masyado kasing mahal at iilan lamang ang may kaya na gumastos ng malaki para sa online at media ads para sa kanilang pangangampanya.
Kung ganito lang naman aniya ang mangyayari, lalabas na ang halalan sa susunod na taon ay contest ng mga mayayaman at sikat.
‘Online campaign sa 2022 polls, nakababahala’
IKINAALARMA ng isang dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang tungkol sa posibleng implementasyon ng online na pangangampanya para sa 2022 national elections.
Pahayag ni dating Comelec commissioner Luie Guia, kadalasan kasi na sa social media umiikot ang mga nagkalat na fake news, na maaaring makaapekto sa pagpili ng mga botante sa kanilang mga nais iboto.
Una rito, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ikinokonsidera ng poll body na pagbawalan muna ang harapang pangangampanya sa 2022 elections bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic.
Nais din aniya ng Comelec na magpatupad ng bagong mga panuntunan kaugnay sa online election campaign.
Samantala, iminungkahi ng dating poll official ang paggamit ng radyo, telebisyon, at mga polyeto upang magpakalat ng impormasyon tungkol sa plataporma ng mga kandidato.
Marami pa rin daw kasing mga Pilipino ang walang koneksyon sa internet.
Giit din ni Guia, malaking hamon din ang online campaign hindi lamang sa Comelec pati na rin sa mga tatakbo sa halalan sakaling ipatupad ito.
Face-to-face campaign posible pero kailangan ang mahigpit na pagsunod sa health protocols – Guanzon
MAARING payagan pa rin ang face-to-face campaign para sa nalalapit na 2022 national elections, ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Ang patakaran aniya para sa election campaign ay didepende sa magiging polisiya naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Anuman ang magiging pasya ng IATF-EID, sinabi ni Guanzon na kailangan mahigpit pa rin ang pagsunod sa minimum health protocols sa gitna ng pandemya.
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na maaring ipagbawal ang face-to-face campaigning para sa nalalapit na halalan.
Ito ay para na rin maiwasan ang hawaan ng coronavirus.
Bilang alternatibo, sinabi ni Jimenez na maaring idaan na lamang online ang pangangampanya ng mga tatakbo sa halalan sa susunod na taon.
Pero lahat ng ito ay depende rin aniya sa maging rekomendasyon ng IATF. (Jonah Mallari/Andi Garcia/Jocelyn Domenden)