Advertisers

Advertisers

HUWAG PILITIN ANG AYAW

0 8

Advertisers

NAGSABI na si Leni Robredo, Kiko Pangilinan, at Bam Aquino. Ayon sa kanilang magkahiwalay na pahayag, hindi sila tatakbo sa halalang pampanguluhan ng 2028. Igalang natin ang kanilang pasya. Huwag pilitin ang ayaw. Hindi maganda na isusubo natin sila sa hindi nila nais.

Nagpahayag rin si Camoteng Robin na hindi siya interesado na tumakbo sa panguluhan sa 2028. Kamakailan, nagsabi si Camote na mas gusto niyang magretiro sa pulitika at mamuhay sa ibang bansa dahil “bulok ang sistema ng pulitika dito.” Igalang natin ang pasya ni Camote dahil may karapatan ang kahit sinong hangal na magsalita ng kanilang nais.

Sa pagtatapos ng impeachment proceedings, nahaharap si Misfit Sara na maalis sa poder bilang pangalawang pangulo at disqualification na tumakbo sa 2028. Tanging si Sen. Risa Hontiveros at Jonvic Remulla, kalihim ng DILG, ang maituturing na handang sumabak sa 2028. Hindi ito maganda sa isang bansa na nagpapanggap ng demokrasya.

Tila naubusan ng kandidato ang bansa. Maraming netizen ang nagsusulsol kay Leni na muling tumakbo sa 2028. May inilatag na kampanya na kumalap ng isang milyong lagda upang muling sumabak si Leni. Ngunit matamlay ang kampanya. Hindi ito kumuha ng suporta sa madla. Mukhang desidido si Leni na tumakbo bilang reeleksiyonistang alkalde ng Naga City. Wala ang puso at damdamin sa halalang pampanguluhan sa 2028.

May nagsabi sa amin na kaibigan na malapit sa pamilya Robredo na ayaw ng mga anak na muling tumakbo si Leni sa panguluhan. Mas pinaghahandaan ni Leni na maging isang ganap na lola dahil nag-asawa na ang isang anak at kasalukuyang nagdadalang-tao.

Samantala, may isang ligaw na kaluluwa – oo, nag-iisa lang siya – na nais buhayin si Mar Roxas at isabak sa 2028. Para sa amin, hindi madaling buhayin ang patay na political career. Wala ng alab si Mar para sumabak sa panguluhan. Nagretiro na sa pulitika si Mar at mas enjoy siya sa pagiging tatay ng kanyang mga anak.

Sa kasaysayan ng bansa, hindi nanalo ang talunan sa nakalipas na halalang pampanguluhan na muling sumabak. Tanging si BBM lang ang nagawa ng ganyan. Natalo siya kay Leni nang sumabak sa halalang para pangalawang pangulo ng 2016. Nagpahinga ng anim na taon si BBM at sumabak sa halalang panguluhan noong 2022. Tinalo niya si Leni.

May nagsusulong rin kay Gibo Teodoro, ngunit bukod sa hindi interesado si Gibo, natalo siya noong 2010 sa kanyang pinsan na si PNoy.May nagtutulak rin kay Sonny Trillanes, ngunit hindi interesado si Trillanes na sumabak. Mas nais niya na tumulong na lang.

Sinusuportahan niya ang kandidatura ni Risa sa panguluhan bagaman hindi pa nagpapahayag si Risa na sasabak sa 2028. Mas mahalaga kung isasama si Sonny bilang kasapi ng Gabinete ng susunod na administrasyon. Tiyak na bibigyan niya ito ng prestihiyo.

Nagpahayag ng interes na sumabak si Jonvic, ngunit hindi kinagat ang kanyang nais. Hindi naalala ng bayan si Jonvic sa anumang katangi-tanging kagitingan sa kanyang pag-ugit ng timon ng DILG. Sa mga isyung bumabalot sa DILG tulad ng pagkawala ni Atong Ang na pinaghihinalaan ng may kinalaman sa mga nawawalang sabungero, walang sinabi si Jonvic kundi “muntik na” mahuli si Atong. Walang saysay ang muntik na.

Tanging si Risa ang seryosong kandidato sa ngayon. Naalaala namin ang sinabi ni Trillanes minsan tungkol kay Risa: “Si Leni ipaglalaban mo pero si Risa ipaglalaban ka.” Maraming nilalang ang nayayamot sa “pakipot politics” ni Leni. Hindi nalilimutan ang kamalian sa halalan ng 2022.

Ibinitin ni Leni ang desisyon kung tatakbo o hindi sa 2022. Halos isang taon na naghintay sa pasya niya. Hindi nakapaghanda ng sapat ang kanyang kampo at malayang nilupig ng “Unity Team’ ni BBM at Misfit Sara.

Noong 2025 midterm elections, nakakuha ang Akbayan Party List ni Risa g mahigit 2.8 milyon boto. Dahil dito, nakuha nila ang tatlong upuan sa Kapulungan ng mga Kinatawan (Camara de Representante). Pinakamarami ang tatlong upuan na kinakatawan ngayon ni Kins. Chel Diokno, Percival Cendana, at Didalah Kiram.

Puhunan ni Risa ang 2.8 milyon boto noong nakaraang halalan. Sila ang magsisilbing base ng kanyang kampo sakaling magpasya na sumabak sa 2028. Kailangan na lang makipag-alyansa siya sa ibang grupong pulitikal. Maliban sa grupong Inferior Davao na isinusuka ng bayan, nakikita namin na makikisukob siya sa ibang grupo.

Mayroon matibay na credential si Risa bilang lider pulitikal. Kalaban siya ng war on drugs ni Gongdi at korapsyon ng Inferior Davao Group. Hindi siya sang-ayon sa pangingibabaw ng China sa ating pulitika. Siya rin ang nagbisto kay Alice Guo ang Chinese national na nagpanggap na Filipino at inalis bilang alkalde ng Bamban, Tarlac.

Hindi nangingimi na tumayo si Risa sa mga kontrobersyal na isyu. Wala siyang paggalang sa mga maka-Gongdi na kasapi ng Senado. Isa ito sa dahilan kung bakit hindi makapamayagpag sina Bato, Bong Go, Camoteng Robin, Tricky Tsis, Babs, Cawatano, Joel, Jinggoy, at iba kang hindi kanais-nais na karakter doon.