Advertisers

Advertisers

SABLAY NA PAGBABANTAY SA BATANGAS!

0 4

Advertisers

PATULOY ang matagumpay na kampanya laban sa illegal gambling sa lalawigan ni Laguna Governor Sol Aragones, resulta ito ng pinaigting na police operation na iniutos ni Acting PNP Provincial Col. Sandro Jay DC Tafalla.
Nitong April 20 ay umabot sa 852 anti-gambling operation ang nailunsad ng kapulisan ng Laguna na ang pangunahing “target” ay ang mga sangkot sa illegal numbered games na “bookies”.
Nangunguna sa accomplishment ang San Pedro City Police Office na may naarestong 28 suspek at nakakumpiska ng cash bets na Php 84,951.00 kasama ng mga gambling paraphernalia.
Maging sa Sta. Rosa City na kilalang sentro ng operasyon ng mga ilegal na pasugalan ay sinalakay din ng mga operatiba ni Col. Tafalla. Gayunman nakapagtataka na patuloy at di pa natitinag ang mga puesto pijo o permananteng pasugalan sa Tram Plaza, Garden Villas, Target Mall at Balibago, pawang sa naturang lungsod.
Maugong ang impluwensya ng mga gambling operator na sina alyas Judith, Baby Tomboy, Ronnie at Fe sa ilang PNP at local government official sa Sta. Rosa City na dapat tutukan ni Col. Tafalla.
 Magkasunod na napapwestong mamuno sa kapulisan ng Laguna si Col. Tafalla at si Col. Meliton Isadora Jr. sa Batangas.
Bagama’t bago pa lamang sa kanyang tungkulin ay marami ng magaganda at positibong achievements si Col. Tafalla sa Laguna batay sa datus at sa ulat  sa sirkulo ng kapulisan.
Malaking kabalintunaan ito at taliwas sa Batangas PNP  pagkat walang makitang magandang datus sa kampanya versus illegal gambling sa limang siyudad at 29 na bayan sa lalawigan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto.
Pagkaupo ni Col. Isadora Jr. ay naglabas ng may 7-talata na press release ang tanggapan ng Batangas PNP Provincial Police Office kaugnay sa anila ay prayoridad ng Batangas PNP.
Ayon sa pahayag ay paiigtingin diumano ng kapulisan ang operasyon laban sa lahat na uri ng ilegal na sugal. Bukod sa illegal gambling, ay tuloy-tuloy din na pag-iibayuhin ang  pagbuwag sa mga net work ng droga, kasama din ang mahigpit na pagsunod sa LOI at tamang bihis ng kapulisan upang mapanatili ang integridad at propesyonalismo sa bawat unit ng PNP sa lalawigan.
Ngunit tila sablay ang pahayag ni Col. Isadora Jr. sapagkat may halos 50 ang prente ng bentahan ng droga na nag-ooperate sa tradisyunal na karnibal o peryahan (pergalan) na nagpapatakbo din ng mga ilegal na pasugalan sa iba’t  ibang siyudad at bayan sa buong lalawigan. Ipinangongolekta naman ng isang alyas Cally at Magsino ang pangalan ng PNP Region 4A at Batangas Provincial Police Offices.
Talamak din ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies na mismong ilang mga aktibong pulis at lokal na opisyales ang protektor o sila mismo ang operator.
Sa Lipa City,  isang policewoman na alyas Sgt. Michelle, alyas Figaro na hayag din na cigarette smuggler, Big 4 at 35 iba pa  ay mga maintainer ng bookies. Sina alyas Sgt. Michelle, alyas Figaro, Aying at Rosales ay nagpapatakbo din ng may 20 saklaan na 24/7 ang operasyon sa naturang siyudad.
May mga pasakla din sina alyas  alyas Tisoy, Jeff, Nonit, Estole, Russel at “Batang Maynila”, kasosyo din sina Sgt. Michelle sa Brgy. Sambat at Poblacion sa bayan ng Padre Garcia. Sila din ang nag-ooperate ng bookies sa lahat na barangay doon.
Sa bayan ng Rosario ay isang alyas Kuya, Digo, Marquez, Buda  at iba pa ang operator ng bookies bukod pa sa mga pasakla sa sabungan. Sa Taysan, ang operator ng bookies ay isang alyas Gerry at Konsehal na pasimuno din sa operasyon ng illegal quarry sa mga Brgy. Piña, San Marcelino, Pinagbayanan at iba mga lugal na bayan ni Mayor Brigido “Bedung” Villena.
Sa Tanauan City ay may 40 bookies, karamihan ay mga barangay official ang nagpapatakbo, kabilang dito sina alyas Lucido na  operator din ng sakla sa naturang siyudad, Montilla, Lawin, Gerry, Ms Bagsic,Cristy, Burgos, Dimapelis, Bicoscho at iba pa. Bukod sa bookies ay may puesto pijo din na sugalan naman sa bayan ni Malvar Mayor Artemio Abu.
 Sablay ang pahayag ni Col. Isadora Jr. kung di niya aaksyunan ang mga kabulastugang ito sa kanyang hurisdiksyon? May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144