Advertisers
TINATAYANG lima hanggang anim na kaso ang isasampa ng Office of the Ombudsman laban kay da-ting Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa loob ng susunod na dalawang linggo kaugnay ng flood control scam.
Ito ang inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa kanyang programa sa radyo nitong Sabado.
Aniya, hiwalay pa ito sa kautusan ng Court of Appeals (CA) na nag-freeze ng mga asset ni Romualdez. “Actually, isang kaso pa lang ‘yan. Pero we have around five to six cases lined up. Sunod-sunod siya i-file within the next two weeks,” ani Remulla.
“All the cases will involve the same action by the [Anti-Money Laundering Council]… ima-manifest nalang namin sa court na meron pa kaming ibang kaso,” dagdag pa niya.
Ayon kay Remulla, nasa ilalim ng preliminary investigation ang mga reklamo at tiniyak niyang susundin ang tamang proseso.
“Ang kalaban namin dito, akusado sa pagnanakaw sa gobyerno… maraming pera, may kapangyarihan. Hindi ho madali labanan ito,” ani Remulla.
Matatandaang naglabas ang CA ng 20-araw freeze order sa isang Forbes Park property at ilang bank accounts na konektado kina Romualdez at negosyanteng si Jose Raulito Enoy Paras. Sa desisyon noong Abril 22, sinabi ng korte na may sapat na batayan para iugnay ang mga asset sa posibleng paglabag sa Anti-Money Laundering Act, kaugnay ng reklamong plunder, bribery, at graft na may kinalaman sa P56 bilyong ‘kickback’ scheme sa mga flood control project.